BAGAMA’T hindi umano tututulan ng kanyang amang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pag-amyenda sa saligang batas para maitama ang mga butas nito, mistulang malamig naman si House majority leader Sandro Marcos.
“It’s a wrong timing and wrong place,” sagot ni Rep. Marcos nang tanungin ukol sa itinutulak ni Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon).
Ipinaliwanag ng mambabatas na magsisimula pa lamang ang pagdinig ng Kamara sa 2026 national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon kaya wala umanong panahon ang mga ito sa Cha-cha.
“Nasa budget pa lang tayo, lets not bring that up,” dagdag pa ng batang Marcos na siyang nagdedesisyon kung ano ang dapat at hindi dapat talakayin sa plenaryo ng Kamara at maging sa mga committee.
Anomang araw ay ihahain naman ni Puno ang Joint Resolution para magpatawag ng ConCon na siyang mag-aamyenda sa saligang batas.
Layunin nitong bigyang-linaw ang ilang kataga kabilang ang ‘forthwith” sa Impeachment trial na iba-iba aniya ang pagkakaintindi kaya hindi nagkaroon ng agarang paglilitis sa articles of impeachment na isinampa ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Puno na inilatag na nito kay House Speaker Martin Romualdez ang kanyang plano at maging sa ibang senador subalit hindi nagbigay ng opinyon ang mga ito kung susuportahan o hindi ang Cha-cha sa pamamagitan ng ConCon.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, maaaring amyendahan ang saligang batas sa tatlong paraan na kinabibilangan ng ConCon, Constituent Assembly (Con-Ass) at People’s Initiative o PI.
Gayunpaman, mas pinili ni Puno ang ConCon kung saan maghahalal ang taumbayan ng delegado na mag-aamyenda sa saligang batas dahil kung Con-Ass aniya ay maiistorbo ang trabaho ng mga senador at congressmen habang malabo naman ang PI dahil hindi ito tinanggap ng mamamayan noong nakaraang kongreso.
Sinuway si Sandro
Samantala, bagama’t tutol si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulungan sa mga anomalya sa flood control projects.
Bukod sa House committee on public accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, magpapatawag din umano ng hiwalay na imbestigasyon si House committee on metro manila development chairman at Caloocan City Rep. Dean Asistio.
Ayon sa tanggapan ng mambabatas, aalamin ng nasabing komite ang ugat ng isyu ng pagbaha sa Metro Manila noong Hulyo na nakaapekto sa buhay ng 14.7 milyong indibidwal sa Kalakhang Maynila.
“Bahay, buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ang apektado ng mga matinding pagbaha at lalala pa ito dahil sa climate change. Ang matindi po rito, may ilan pang umano’y nagpapasasa dito. As the President already mentioned, we will ensure public accountability here,” ani Asistio.
Gayunpaman, itinuturing ng ilang observer sa Kamara ang mga imbestigasyong ito na “pagsuway’ sa bastonero o House majority leader na si Marcos na hindi sumasang-ayon na ang Kamara ang mag-imbestiga dahil may mga congressman na nakakaladkad sa anomalya na isiniwalat ng amang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
‘Why would the body investigate itself?,” sagot ni Marcos sa ambush interview kamakalawa sa Kamara kung saan sumang-ayon ito sa panawagan ng marami na kailangang third party ang bumusisi sa flood control projects.
Sa mga nakaraang imbestigasyon ng komite ni Ridon, mga basura ang itinuturo ng ilang mambabatas na nagpalala sa baha sa Metro Manila dahil hindi umano ito nahahakot lahat ng local executives kaya nababarahan ang waterways.
(BERNARD TAGUINOD)
