REPATRIATION NG HIGIT 1K PINOY SA MIDDLE EAST MAPANGANIB

INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na delikado sa ngayon ang pagpapauwi sa 1,416 Pilipinong humiling ng repatriation mula sa Gitnang Silangan.

Sa press conference sa Kalayaan Hall, sinabi ng Pangulo na isinara na ang mga rutang dati sanang daraanan palabas ng mga apektadong lugar, at marami sa mga paliparan ang tinatamaan ng pag-atake.

Sa datos ng pamahalaan, 297 ang nais magpa-repatriate mula Israel, 586 mula Dubai, 270 mula Abu Dhabi, 231 mula Bahrain, 22 mula Jordan at 10 mula Iran.

Ayon sa Pangulo, hindi muna maaaring magpalipad ng eroplano dahil sarado ang mga airport at itinuturing na combat area ang rehiyon.

Maging ang paglikas sa pamamagitan ng lupa ay delikado dahil sa posibilidad ng misidentification sa gitna ng aktibong bakbakan.

Payo ng Pangulo sa mga Pilipino sa apektadong lugar ay manatili sa ligtas na lugar, umiwas sa danger zones at sundin ang abiso ng embahada.

Tiniyak din niyang may tuloy-tuloy na koordinasyon ang pamahalaan sa pamamagitan ng hotline ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Reso Inihain sa Senado

Kaugnay nito, naghain ng Senate Resolution No. 325 ang 22 senador upang himukin ang pamahalaan na pabilisin ang tulong sa mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Middle East.

Pinangunahan ito ni Senador Kiko Pangilinan at nilagdaan ng mga miyembro ng majority at minority blocs.

Pinakikilos sa resolusyon ang DFA, DMW at Overseas Workers Welfare Administration upang tiyakin ang kaligtasan ng OFWs at ihanda ang contingency plans para sa repatriation, evacuation at temporary shelter.

Kasama rin sa panawagan ang agarang fuel assistance para sa mga tsuper, magsasaka at mangingisda, gayundin ang pagsususpinde o pagbaba ng buwis sa petrolyo.

Hiniling din ang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations at Committee on Migrant Workers upang suriin kung sapat ang tugon ng pamahalaan.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

1

Related posts

Leave a Comment