MAGANDANG araw, mga ka-Saksi at mga kabayani!
Umaani ngayon ng pagkondena mula sa iba’t ibang bansa ang ginawang pag-atake ni Russian President Vladimir Putin sa Ukraine lalo na’t dumaranas ng krisis ang buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagagalit kay Putin sina US President Joe Biden, German Chancellor Olaf Scholz, British Prime Minister Boris Johnson, Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Colombian President Ivan Duque at sinabing “threat to world peace” ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Ito na ang pinakamatinding military operation sa Europe na ikinasa simula noong World War 2. Ang tanong, pagmumulan ba ito ng World War 3? Dapat mag-ingat sa pagtugon ang mga world leader laban kay Putin dahil inalerto na nito ang kanyang nuclear military para sa pagganti sakaling pumalag ang mga kaalyadong bansa ng Ukraine.
Dahil sa giyera, naipit ang maraming OFWs sa Kyiv at iba pang syudad sa Ukraine, kabilang na ang mga nakapag-asawa ng Ukrainians.
Patuloy na nagsasagawa ng rescue mission ang gobyerno ng Pilipinas sa ating mga kabayani sa Ukraine para mailigtas sila sa kapahamakan.
Sa datos ng DFA, may karagdagang 22 OFWs ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas, ang 4 sa kanila ang nasa Lviv, Ukraine; 13 ang nasa Warsaw, Poland habang lima ang nasa Moldova.
Nagtungo na si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin sa border ng Poland at Ukraine para salubungin ang mga kabayani nating gustong umuwi ng bansa.
Ilang OFWs naman ang ayaw pang umalis sa Ukraine dahil sa takot na mawalan ng trabaho at ang ilan naman ay nakapag-asawa na ng Ukrainians.
Tinatayang may 350 Filipinos sa Ukraine at 181 ang nakontak na ng DFA.
Nauna nang nakauwi sa bansa ang anim na OFWs bago pa ang pag-atake ng Russia sa Ukraine nitong February 24.
Para sa mga OFW na kailangan ng repatriation assistance, kontakin lang ang Philippine Embassy sa Poland – Emergency mobile number +48604357396; Office mobile number +48694491663; email: warsaw.pe@dfa.gov.ph; Philippine Honorary Consulate General in Kyiv, Ukraine – mobile number +380679322588.
Ipagdasal po natin ang ating mga kababayan at sana mahinto na ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
***
Good News!
Ipinagmalaki ni Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat ang pagtaas ng bilang ng mga dayuhang turista na pumasok sa bansa mula sa visa free countries.
As of Feb. 21, halos 22,000 tourist arrivals ang naitala ng DOT na nagmula sa United States, Canada, United Kingdom, South Korea, Australia, Vietnam at Japan. Sa nasabing bilang, nasa 10,074 ang OFWs habang 11,900 dayuhang turista.
Dahil dito, sinimplehan na rin ng DOT ang travel requirements sa tourist destinations sa Pilipinas, para sa pagdagsa ng mga bakasyunista sa bansa, lalo na ngayong summer season na. Panahon na rin ng reunion ng mga magkaka-pamilya na matagal na hindi nagkita-kita dahil sa pandemya.
Tinukoy ng DOT na ang ilang pamosong tourist spots na tinatarget ng mga turista ay ang Baguio City, Boracay, Palawan, Ilocos Norte, Cebu, Davao at Bicol region.
oOo
Para sa inyong komento, suhestyon at reaksyon, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.
175
