PATAY ang isang pulis habang sugatan ang tatlong kasamahan nito at isang detainee sa pananambang ng hinihinalang mga NPA sa Barangay Logero, Marabut, Samar.
Ayon sa Marabut Police Station, pabalik na sa kanilang himpilan ang apat na pulis sakay ng kanilang patrol car nang bigla silang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek.
Napag-alaman, nagsilbing escort at naghatid lamang ng isang detainee ang mga pulis sa bayan ng Basey para dumalo sa paglilitis.
Ngunit pabalik na ang mga pulis, tinambangan sila sa national highway sakop ng Barangay Logero.
Nauna rito, isang ranking official ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao na sinasabing may patong na P6 milyon sa ulo para sa ikadarakip nito, ang napatay sa inilunsad na joint PNP at AFP law enforcement operation nitong nakalipas na linggo sa Tandag City, Surigao del Sur.
Ipinagmamalaki ni Gen. Debold Sinas, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang pagkakapaslang kay Alvin Luque, sinasabing spokesman ng National Democratic Front of Mindanao at kasapi ng Executive Committee ng Komisyon Mindanao (KOMMID).
Ayon kay Sinas, si Luque ay may P6 million reward base sa order of battle ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pinalagan naman ng liderato ng CPP-NPA-NDF ang pahayag ng kapulisan at military na nanlaban si Alvin Luque, at isa na naman umanong kaso ng summary execution ang nangyari dahil may sakit at paralisado na ang sinasabing NPA.
Kinumpirma ng militar na napatay ang isang mataas na opisyal ng NPA ng Mindanao at isang hindi pa nakikilalang kasamahan nito matapos manlaban umano sa mga sundalo at pulis na maghahain ng warrant of arrest sa isang resort sa Purok Milion, Barangay San Agustin. (JESSE KABEL)
