RETIRADONG PULIS NAGREKLAMO LABAN SA MGA NAGPAPAKILALANG TAUHAN NG MANILA NORTH CEMETERY

KINONDENA ng isang retiradong Police Captain ang dalawa umanong tauhan ng Manila North Cemetery dahil sa pakikialam sa mga caretaker sa bentahan ng lupa at iba pang transaksyon sa loob ng sementeryo sa Sta. Cruz, Manila.

Ayon kay Retired Captain Raymundo Layug, 63, dating nakatalaga sa Manila District Traffic Management Unit (DTMU) at residente ng Tondo, Manila, ang kanyang tinutukoy ay sina Roberto o Obet at Mark Anthony, alyas Atoy, na hindi naman umano mga empleyado ng nasabing sementeryo.
Miyerkoles ng hapon, nagtungo si Layug kasama ang iba pa sa tanggapan ng MPD- Press Corps dala ang affidavit ng kanyang reklamo.

Sa liham, nabanggit ang umano’y pang-aabuso sa mga negosyante at sa mga caretaker ng nitso sa loob ng sementeryo.

Naniniwala sila na may alam ang director ng Manila North Cemetery sa ginagawang pangungulimbat partikular sa mga nais bumili ng lupa sa loob ng sementeryo.

Napag-alaman pa kay Layug, nagsimulang abusuhin ng dalawa ang transaksyon noong June 2, alas-12:00 ng tanghali makaraan itong makipagtransaksyon sa isang kustomer.

Sa opisina, may sariling upuan at computer si Ocampo gayong hindi naman umano ito empleyado.

Ayon pa kay Layug, isang ginang umano ang kanyang ka-deal na bibili ng lupa dahil ililibing ang kaanak nito noong nakaraang June 4.

Nagkasundo naman ang dalawa at nagpirmahan sa “deed of sale” kasama ang abogado ni Layug.

Dito na umano umepal sina Atoy at Obet at ayaw pumayag na ilibing ang kaanak ng buyer kung hindi umano ito magbibigay ng pera para sa ‘opisina’. Dala ng pagkadismaya, umatras ang buyer kaya isinauli na lamang ang pera nito.

Ayon pa kay Layug, nagpunta pa sila sa opisina ng Director upang kumuha ng permit para sa libing, ngunit tinanggihan umano sila ni Obet.

“Ano ba yan kumpleto naman kami sa mga papeles pero ayaw pumayag na ilibing,” himutok ni Layug.

Una na silang nagsampa ng kasong “Abuse of Authority” laban sa direktor ng sementeryo.

Kung hindi aniya pagbibigyan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang kanilang reklamo na sibakin ang bata-bata system sa sementeryo, mapipilitan silang magsagawa ng kilos protesta sa harap ng opisina ng opisyal.

(RENE CRISOSTOMO)

405

Related posts

Leave a Comment