CAVITE – Hindi na naisalba ang buhay ng isang 33-anyos na overseas Filipino worker habang sugatan ang kanyang angkas makaraang salpukin ang sinasakyan nilang motorsiklo ng kasalubong na sasakyan matapos itong mag-overtake sa Gen. Trias City sa lalawigang ito.
Isinugod sa GenTri Medical Center ang biktimang si Richard Martinez, binata, ng B-30, L-67, Country Meadow, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City ngunit binawian ng buhay makalipas ang ilang minuto.
Samantala, inoobserbahan naman ang angkas niyang si Gerald Nonat, 30, binata, security guard at residente sa B-21, L-60, Country Meadow, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City.
Hawak na ng pulisya ang driver ng Nissan Urvan na may plakang NAU 8801, na si Eugene Nicolas, 42, negosyante, ng B-24, L-28, Camachille Subd., Brgy. Pasong Camachille, Gen Trias City.
Sa ulat ni P/MSgt. Rommel Taal ng General Trias City Police Station, dakong alas-6:00 noong Lunes ng gabi habang binabagtas ng dalawang sasakyan ang opposite direction nang mag-overtake ang biktima dahilan upang salpukin ang motorsiklo ng sasakyan ng suspek sa kahabaan ng Arnaldo Highway sakop ng Brgy. san Francisco, ng naturang Lungsod. (SIGFRED ADSUARA)
369
