KINONDENA ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng dalawang angkan sa Basilan nito lamang Martes, Oktubre 28.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Sec. Carlito Galvez, patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon lalo pa’t batay rin sa mga naunang ulat, rido ang pinag-ugatan ng mismong alitan.
Tiniyak ni Galvez sa mga residente ng Tipo-tipo na mananatili ang hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging ng Philippine National Police (PNP), sa lugar upang matiyak at mapanatili ang kapayapaan at wala nang muling uusbong na tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
Aktibo ring ipinatutupad sa ngayon ang kinakailangang mga mekanismong pang-kapayapaan upang suportahan ang security sector sa lugar upang matiyak na magiging maayos at kalmado ang sitwasyon sa mga susunod na araw.
Kaugnay pa nito, pinayuhan naman ni Galvez ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagbabahagi ng iba’t ibang espekulasyon na posibleng makaapekto sa kasalukuyang lagay sa Tipo-tipo.
Samantala, umakyat na sa apat ang naitalang sugatan sa naging engkwentro sa Tipo-tipo, Basilan, ayon sa Philippine Army 11th Infantry Division.
Sa isang panayam, kinumpirma ni 11th Infantry Division spokesperson, Capt. Genesis Dizon, pumalo na sa apat ang mga sugatan sa insidente batay na rin sa naging beripikasyon sa lokal na pamahalaan ng Tipo-tipo.
Ani Dizon, ang apat na indibidwal ay hindi sangkot sa naging alitan at pawang mga nadamay lamang sa engkwentro.
Matatandaan namang nag-umpisa ang rido sa isang shooting incident noong Oktubre 21 na ikinasawi ng isang opisyal ng barangay.
Samantala, matapos ang naging negosasyon noong Martes ay muling nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig kung saan nadamay ang apat na passerby.
(JESSE RUIZ)
16
