BISTADOR ni RUDY SIM
NGAYONG lumapat na sa kanyang pagkakaupo bilang komisyoner ng Bureau of Immigration si Atty. Joel Viado, dapat sigurong pagtuunan nito ng pansin ang rigodon, hindi lang sa kanyang dinatnang opisina sa OCOM, kundi nararapat din na pati ang mga opisyales ng International Ports of Entry and Exit (IPEE) ng ahensya.
Kung inyong mapapansin, sa panahon ni Tansingco, tanging ginalaw lang ni “Kume Tan5” ‘yung mga port na hindi niya itinuturing na kakampi. Kahit pa nga marami sa mga nakapwesto na kanyang dinatnan ay sandamakmak na ang bulilyaso lalo na ‘yang airport diyan sa Clark, Pampanga pati na riyan sa Mactan-Cebu International Airport kung saan naglipana ang mga palusutan ng foreigners na nasa blacklist, at kundi man ay naging paratingan ng Chinese nationals na sangkot sa POGO.
Gaano ba kalalakas ang mga opisyales na nakapwesto rito at naging bingi at bulag lang si Tansingco sa kabila ng masasamang reports na umaabot sa kanyang opisina? Eh ‘yung isang maliit na airport diyan sa Visayas na malapit sa isang kilalang destinasyon ng mga turista? Bagama’t wala raw gaanong flights ang mga ito, namamantikaan naman ang mga nguso ng ilang immigration officers diyan at bisor dahil sa mga WEG at ECCs na hindi raw nire-remit sa opisina! WTF!
Ngayon sa pamumuno ni Viado ay ating i-monitor kung kaya ba ng powers nito na kalusin ang mga opisyales ng pangunahing airports at palitan ang mga ito ng karapat-dapat na mamumuno ng IPEE nang hindi naman sila laging sumasalto at nagiging paborito kada may hearing sa Senado.
By the way, tuluyan na rin daw namaalam ang head ng Border Control and Intelligence Unit na si Immigration Officer III Bryan Allas na balitang inilipat na sa BI Intelligence Division. Bago pa man lumabas ang kanyang Personnel Order ay tinanggap na nito ang kanyang kapalaran na siya ay papalitan anomang oras ng kasalukuyang administrasyon. Kaso kumusta naman kaya ang ibang opisyales ng BCIU na hanggang ngayon at kapit-tuko pa rin sa pwesto? Wala bang delikadesa ang mga ito at naghihintay pa sila na ligwakin ni Komisyoner Viado? Ang balita natin ay nagkukumahog daw na naglalakad ang ilan sa kanila para kunin ang iniwang posisyon ni Allas? Ano bang mina ang meron sa BCIU? ‘Yung mga gaya ni Kwetong Lupa at Annie Burikat na halos dekada na sa posisyon, ano bang magandang accomplishment ang nagawa ng mga ito upang manatili pa sila sa pwesto? Paki-eksplika nga!
Isa pa siguro na hindi dapat palagpasin ni Commissioner Viado ay ang palitan ang hepe ng BI Warden’s Facility sa Bicutan na 3 beses nang natatakasan ng preso! Palibhasa, sinasabi na super bagyo raw kay Kume Tan5 ang hepe nito kaya kahit pa record breaking na sa pagtakas ng mga preso ay nananatili pa rin sa pwesto ang kasalukuyang warden dahil saradong bata ito ni Tansingco!
Kumusta na kaya ang negosyo ng mga kumag sa BI jail kung saan pinagkakakitaan hanggang sa kasalukuyan ang “ICE ROOM” para sa VIP inmates pati ang “casino” sa loob ng piitan na hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy… Sino kaya ang nakikinabang sa BI main office kaya hindi ito napatitigil?
Senator Risa, baka po gusto n’yo madam chair, na bulatlatin ang record ng BI Warden’s Facility at nang ma-discuss n’yo naman ito sa mga susunod niyo pang hearing!
Ay Inang!!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
