ROBIN GUSTO NG MARAHAS NA LIPUNAN – SOLON

“MUKHANG ang gusto ni Sen. (Robin) Padilla ay isang lipunang marahas at walang malasakit”.

Ganito ang basa ng dating human rights lawyer at Kinatawan ng Akbayan party-list na si Rep. Chel Diokno sa panukala ni Padilla na ibaba sa 10-anyos ang pananagutin sa batas mula sa kasalukuyang 18-anyos.

Partikular sa mga kasong hindi puwedeng panagutin ang mga batang kriminal ay heinous crimes tulad ng parricide, murder, infanticide, robbery with homicide o rape, at drug-related offenses.

Ayon sa mambabatas, hindi totoo na basta-basta pinapalaya ang mga batang nagkasala dahil sa Juvenile Justice Law dahil sa ilalim ng batas na ito ay inilalagay sa Bahay Pag-Asa ang mga ito para sa kanilang rehabilitasyon.

Maliban dito, may itinakdang “discernment determination process” ang Korte Suprema upang matiyak na mananagot ang mga batang nagkasala sa bansa lalo na ang mga may sapat nang pang-unawa.

“Pero kung talagang gusto nating solusyunan ang krimen, ayusin natin ang mga sirang tahanan, sirang paaralan, at sirang sistema. Piliin nating maging lipunang may pagkalinga at pag-asa,” ayon pa kay Diokno.

Maging si ML party-list Rep. Leila de Lima ay kinontra ang panukala ni Padilla dahil hindi umano hustisya ang nais ng senador na ikulong kasama ng matatandang kriminal ang mga batang nagkasala sa batas.

Binigyang-diin ng mambabatas na kaya may mga batang nagkasala sa batas ay dahil sa mga maling sistema sa lipunan na kanilang ginagalawan.

“I appeal to my colleagues in the Senate and in the House: This is not a question of being “soft” or “tough” on crime. This is a question of who we are as a people. Are we the kind of nation that throws away a child before we even try to understand their pain?,” ani De Lima. (BERNARD TAGUINOD)

100

Related posts

Leave a Comment