‘ROLLY AID’ SA MGA SENIOR PINAMAMADALI

IDINULOG sa gobyerno ni Senior Citizen party-list Congressman Rodolfo Ordanes na gawing prayoridad sa pagbibigay tulong ang mga nakatatanda na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Super typhoon Rolly.

“Tinutukan ko sa telebisyon, radyo at social media ang mga pangyayari at tunay naman na nakakapanlumo ang mga imahe…mga bahay na natabunan ng putik, mga tao na kinailangan nang umakyat sa bubungan ng bahay para makaligtas sa rumaragasang baha, mga napinsalang bahay at nasirang ari-arian,”sabi ni Ordanes.

Ayon sa mambabatas, nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Social Welfare and Development at Department of Health para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga senior sa Bicol Region, Calabarzon, Metro Manila at Central Luzon.

Binanggit nito, nakasaad sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, prayoridad na mabigyan ng tulong ang mga nakatatanda, partikular na ang mga gamot, pagkain at kanilang mga pangangailangan.

Una nang sumulat si Ordanes kay Pangulong Duterte para payagan na rin makalabas ang mga ‘senior’ na nasa edad hanggang 70 pagsapit ng Disyembre.

“Sana sa pagsapit ng Disyembre o mas maaga pa, payagan na ang mga senior up to 70 years old na lumabas ng kanilang mga tahanan para makabili ng gamot sa botika, makabili ng pagkain at inumin, makapagsimba, at makita ang mga anak, apo, pamangkin, at inaanak,” katuwiran ng mambabatas. (DANG SAMSON GARCIA)

123

Related posts

Leave a Comment