KASABAY ng nakatakdang pagsasampa ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga mambabatas na pinangalanan sa Senate Blue Ribbon Committee, iginiit ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na dapat ding magpaliwanag ang dating liderato ng Kamara kung paano nangyari ang bilyon-bilyong insertions sa mga nakaraang General Appropriations Act (GAA).
“Dapat lang kasuhan ng NBI. Kailangan na harapin nila charges na ipa-file ng NBI dahil ang pinag-uusapan dito ay pera at kaban ng bayan,” ani Diokno.
Kabilang sa mga binanggit ni dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa Blue Ribbon hearing sina Sens. Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon.
Ibinunyag ni Alcantara na nagbaba si Co ng P35 bilyong halaga ng proyekto sa Bulacan First District, kung saan umano’y humingi pa ito ng 25% cut kahit hindi pa naipapasa ang pambansang pondo mula 2022 hanggang 2025. Giit pa niya, naghanap pa si Co ng ibang lugar na paglilipatan ng proyekto dahil sobra-sobra na raw ang inilaan sa Bulacan.
Naniniwala si Diokno na malinaw na bunga ng insertions ang mga proyektong ito. Kaya’t dapat ipaliwanag ng nakaraang liderato ng Kamara kung ito ba ay kapabayaan o sadyang pakikipagsabwatan.
“The leadership of previous Congress must also explain how those billions of pesos of insertions came about. Karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan,” giit ng kongresista.
Matatandaang mula 2022 ay si Romualdez ang Speaker ng Kamara habang si Co ang chairman ng Appropriations Committee. Sinibak si Co noong Enero, habang nagbitiw si Romualdez noong Setyembre 17.
“There has to be accountability. Lahat ng involved, mula pinakamataas hanggang sa pinakababa, dapat makasama sa kakasuhan,” dagdag pa ni Diokno. Panawagan din niya sa mga may hawak ng ebidensya: “Huwag sirain ang ebidensya, ilantad ang lahat ng kasabwat, at ibalik ang ninakaw.”
(BERNARD TAGUINOD)
91
