NAKATAKDANG isailalim sa masusing imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang RoRo vessel na MV Filipinas CDO, matapos itong tumagilid habang naglalayag sa baybayin sa bisinidad ng Laguindingan, Misamis Oriental noong Linggo ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, patungong Cebu ang barko nang tumagilid ito nang 30-degree dahil sa malakas na hangin bunsod ng masamang panahon.
Iniulat ng Coast Guard Station Cagayan de Oro (CDO), bumalik na ang barko at ligtas na nakarating sa CDO Port, bandang alas-11:20 ng gabi.
Nasa 448 pasahero ang kanilang tinulungan na maibaba at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan, gayundin ang apat na rolling cargo na sakay ng RoRo.
Sinabi ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, inatasan ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil L Gavan, ang Maritime Safety Services Command (MSSC) na imbestigahan at i-tsek ang safety procedure at protocols na ipinatutupad ng shipping company at kanilang crew.
Samantala, nakatanggap ng impormasyon na ang RoRo ay tumagilid dahil sa hindi maayos na pagtali sa rolling cargoes.
(RENE CRISOSTOMO)
