PINABUBUWAG ng dalawang kongresista ang umiiral na Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB), sa halip ipatupad na lamang ang isang unipormadong antas ng pasahod o general minimum wage rate sa bansa.
Base sa panukalang inihain Nina Rep. Ramon V. Guico III at Rep. Joseph “Jojo” L. Lara ng 5TH District Pangasinan, tinuran ng mga ito ang pagkakaiba-iba ng antas ng pasahod sa bawat rehiyon sa bansa na siyang naging dahilan ng congestion sa Metro Manila at siya ring sanhi ng pagdami ng informal setlers.
“Habol Kasi ng ilan nating kababayan ang mas mataas na pasahod kayat napipilitang dumayo ang mga ito sa mga lugar na mas mataas ang antas ng pasahod partikular sa kalakhang Maynila,” pahayag ng mambabatas.
Napakahalaga rin umano saanmang lugar sa bansa naroon ang mga Pilipinong manggagawa ay maramdaman nila ang halaga ng kanilang paggawa at ang importansya nito sa national at local development kaya nararapat lamang na tumanggap sila ng patas na sahod.
Paglilinaw pa nina Rep. Guico at Lara na napapanahon na para magpatupad ng general minimum wage, ito’y bilang tugon na rin sa panawagan ni Senator Bong Go na balik probinsya program, nang sa ganun ay mahihikayat umano ang mga manggagawa na magbalik probinsya.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa P449.75 ang sahod sa NCR sa non agricultural habang P418.76. sa agricultutal, samantalang sa BARMM, na siyang itinuturing na pinakamahirap na rehiyon sa bansa ay tumatanggap lamang ng P251.94 para sa non agricultural at P232.56 naman sa agricultural workers. CESAR BARQUILLA
