BALITANG NBA Ni VT ROMANO
KINONDENA nina Alex Len at Sviatoslav Mykhailiuk, Ukrainian players sa NBA, ang Russian invasion sa kanilang bansa.
Nanawagan ng pagkakaisa sina Len ng Sacramento Kings at Mykhailiuk ng Toronto Raptors, at humingi ng panalangin para sa kanilang pamilya, mga kaibigan at kababayan.
“A great tragedy befell our dear homeland Ukraine,” saad ng kanilang statement na naka-post sa kanya-kanyang social media accounts. “We categorically condemn the war.”
Dagdag nila: “Ukraine is a peaceful sovereign state inhabited by people who want to decide their own destiny. We pray for our families, friends, relatives and all the people who are in the territory of Ukraine.
“We hope for an end to this terrible war as soon as possible. Dear fellow Ukrainians, hold on! Our strength is in unity! We are with you!”
Si Len, 28 anyos, may average 6.2 points per game sa Kings, habang ang 24-anyos na si Mykhailiuk, ay may average 5.3 points per game sa Raptors.
NETS WASAK
SA CELTICS
MATAPOS ang All-Star Game break, nakapag-recharge nang husto ang Boston Celtics sa pangunguna ni Jayson Tatum, umiskor ng 30 points para sa 129-106 panalo kontra Brooklyn Nets sa New York, Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila).
Umabot hanggang 29 puntos ang kalamangan ng Celtics tungo sa pagtala ng ika-12 panalo sa 14 laro. Sa loob ng mga panalong ito, siyam na beses silang nagwagi na may double-digit edge, kasama ang 126-91 paglampaso sa Brooklyn noong Pebrero 8.
Pang-18 naman ito ni Tatum na nakaiskor ng at least 30 points ngayong season buhat sa 10-of-20 shots, kasama rito ang one-handed dunk laban sa Brooklyn defenders Andre Drummond, James Johnson at Kessler Edwards bago matapos ang second quarter, at sinundan pa ng 11 points sa third.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 18 points at six assists bago nagtamo ng wrist injury, limang minuto at kalahati ang natitira sa laro.
Nanguna naman si Seth Curry, may 22 points, para sa 13th loss ng Nets sa 15 laro, habang nag-ambag si Bruce Brown ng 15 puntos.
Ang Celtics ay nagtala ng 54.1% shooting, habang 41.5% sa Nets.
SUNS NALO
SA THUNDER
SA unang larong wala si Chris Paul sanhi ng fractured right thumb, pinasan ni Devin Booker, may 25 points at 12 assists, ang Phoenix Suns tungo sa 124-104 win kontra host Oklahoma City Thunder.
Ito ang ikawalong sunod na panalo ng Suns at 19 sa huling 20 laro, habang ikalawang sunod na talo ito ng Thunder, ikapito sa walong laro.
Naglista si Booker ng 11 points sa fourth quarter, kabilang ang pito sa final four minutes ng 17-4 run upang tuluyang itakbo ang panalo.
Nakapagtala ang Suns ng 122.1 points sa nakalipas nitong pitong laro.
Umiskor naman si Oklahoma City’s Shai Gilgeous-Alexander ng 32 points (13-of-22 shooting), sa kanyang unang laro mula noong Enero 28.
Sampung larong lumiban si Gilgeous-Alexander sanhi ng right ankle sprain, pero hindi naging sapat ang kanyang pagbabalik para buhatin ang Thunder.
Sa iba pang laro, tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Memphis Grizzlies, 119-114, at umiskor ng 112-108 win ang Chicago Bulls kontra Atlanta Hawks.
Wagi rin ang Detroit Pistons laban sa Cleveland Cavaliers, 106-103, at panalo ang Denver Nuggets sa Sacramento Kings, 128-110… samantalang tinambakan ng Golden State Warriors ang Portland Trail Blazers, 132-95.
