Sa 4-day work week at WFH set up SAHOD NG OBRERO ‘WAG KALTASAN

PINAALALAHANAN ng isang mambabatas sa Kamara ang mga negosyante na huwag bawasan ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa sa 4-day work week at work-from-home (WFH) set up.

Ginawa ni Rep. Raymond Democrito Mendoza ang paalala ngayong ikinokonsidera ng pamahalaan na payagan ang apat na araw na pasok ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor upang makatipid sa langis at enerhiya.

Maging ang WFH na sistemang ipinatupad sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19 ay nais itulong ng gobyerno lalo na’t pataas nang pataas ang presyo ng langis kasunod ng pag-atake ng Russia sa Ukraine.

“There should be no reduction of wages and benefits as all labor rights and standards still have to be observed even under a compressed work week,” ayon sa mambabatas.

Ipinaliwanag nito na kahit apat na araw kada linggo ang magiging pasok ng mga manggagawa kung sakali, magtatrabaho ang mga ito ng 10 oras kada araw para mabuo ang 40 oras kada linggo.

Dahil dito, walang dahilan para bawasan ang sahod at benepisyo ng mga ito.

Anomang sobra aniya sa oras ng trabaho ay dapat ding bayaran bilang overtime pay.

Ganito rin umano ang dapat gawin sa WFH workers na magtatrabaho ng higit walong oras kada araw.

Sa anunsyo ng Palasyo, posibleng sa Lunes, Marso 21 pagpapasyahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 4-day work week at work-from-home set up.

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at PCOO secretary Martin Andanar na naipaliwanag na kay Pangulong Duterte ang magiging benepisyo ng nasabing mungkahi na ang layunin ay makatipid sa oras, pagkain, pamasahe at iba pa ang mga manggagawa sa gitna ng pagtaas sa presyo ng prime commodities.

Bukas din aniya ang Chief Executive sa lahat ng rekomendasyon na manggagaling sa kanyang gabinete kabilang na ang economic team gayundin maging mula sa mga dalubhasa, mambabatas at mga ekonomista. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

112

Related posts

Leave a Comment