TARGET ipatupad ang bagong number coding scheme matapos ang May 9 elections.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Frisco San Juan, nagpapatuloy ang konsultasyon sa ibang ahensiya ng pamahalaan ukol sa panukalang number coding schemes.
“Nakikipag-usap pa rin po tayo sa other government agencies upang maibigay rin nila ang kanilang mga suhestyon kung ano sa dalawa ang ating ipatutupad at maari po siguro after elections na po natin ito ipaiiral,” ayon kay San Juan.
Nauna rito, ipinanukala ng MMDA ang dalawang bagong number coding schemes na magbabawal sa mga sasakyan sa pampublikong daanan sa rush hours upang mabawasan ang matinding trapiko sa Metro Manila.
Prinisenta ni MMDA Chair Romando Artes ang panukala na layong makabawas ng bigat ng trapiko ng hanggang 5%.
Una, pagbabawalan ang mga sasakyan na may registration plates na may odd last numbers na 1,3,5,6 at 9 sa mga pampublikong daanan tuwing Lunes at Huwebes mula alas syete hanggang alas diyes ng umaga at mula alas singko ng hapon hanggang alas otso ng gabi.
Pangalawa, ang mga sasakyan na may registration plates na even numbers na 2,4,6,8, at 0 ay pagbabawalan sa mga pampublikong daanan kada Martes at Biyernes sa kalagitnaan ng kaparehong oras.
Ibig sabihin, ang lahat ng sasakyan ay maaari lamang gumamit ng pampublikong daanan kada Miyerkoles.
“Ang una pong isasagawa kung maramdaman natin ang pagdagsa ng marami pang pribadong sasakyan ay ang pagbabago nga ng ating vehicle reduction program sa halip na ‘yung sa kasalukuyan ay 20% lang ang ating naibabawas kada araw ay maaaring 40% sa isang panukala or sa pangalawang option ay 50% reduction,” ayon kay San Juan.
Pinag-aaralan naman ng MMDA ang posibilidad na palawakin ang afternoon number coding scheme, na nakatakda mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Samantala, tiniyak ni San Juan sa publiko na handa ang MMDA sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong Semana Santa. (CHRISTIAN DALE)
