Sa Cabuyao, Laguna DEATH TOLL SA PAGSABOG NG PAGAWAAN NG PAPUTOK, UMAKYAT SA 4

LAGUNA – Umakyat na sa apat ang bilang ng mga namatay sa pagsabog at pagkasunog sa pagawaan ng paputok sa Cabuyao City sa lalawigan noong Huwebes.

Nasa 5 katao naman ang sugatan sa insidente, dalawa sa mga ito ang naka-confine pa sa ospital, at ang tatlo na dumanas ng minor injuries ay nakalabas na sa pagamutan matapos mabigyang ng lunas.

Ayon kay PLt. Col. John Eric Antonio, hepe ng Cabuyao City police, bukod sa naunang dalawang dead on the spot noong mangyari ang pagsabog, dalawa sa mga biktima ang pumanaw sa ospital nitong Biyernes ng madaling araw, kabilang ang isang namatay sa PGH sa Maynila.

Apat sa mga namatay ay lalaking mga trabahador sa pagawaan at isang babae.

Kinilala ang mga namatay na sina John Ronald Gonzales Deduro, 23; Marvin Lamela Ocom, 27; Ricardo Olic-Olic, 51, pawang trabahador, at ang babaeng si Bebot Reymundodia, 44-anyos.

Ligtas na naman ang 5-anyos na batang lalaki na anak ng babaeng namatay.

Kinilala naman ang mga nasagutan na sina Menesio Reymundodia, 47; Gemboy Delonino, 18; at Mylene Tarapidio.

Ayon sa report ng Cabuyao City Police, nangyari ang pagsabog sa Lebrilla-Aquino Fireworks na nasa residential area sa Purok 3, Brgy. Bigaa, Cabuyao City, dakong alas-3:30 ng hapon.

Agad sumaklolo ang rescue unit ng Cabuyao CDRRMO at iba pang mga responder at dinala sa ospital ang mga sugatan.

Idineklara naman ng BFP-Cabuyao na fire-out na ang sunog dakong alas-5:47 ng hapon.

Ayon sa mga awtoridad, bagama’t ang pabrika ay malapit sa residential area, solo naman itong nakatayo at hindi kalapitan sa mga kabahayan.

Ayon pa kay Colonel Antonio, base sa kanilang panayam sa mga nasugatang trabahador, nagtatrabaho umano ang mga ito nang biglang magkaroon ng pag-usok sa ginagamit na mga kemikal na sinundan ng malakas na pagsabog. Hindi naman matukoy kung bakit ito umusok.

May license to operate umano ang nasabing family owned firecrackers manufacturing business na dalawang dekada nang nag-o-operate.

Agad namang nangako ang Cabuyao City LGU na sasagutin nila ang mga gastos at pangangailangan ng mga biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

324

Related posts

Leave a Comment