SINANG-AYUNAN ng dalawang lider sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkakaroon ng third party na mag-iimbestiga sa mga anomalya umano sa flood control project sa gitna ng pagkakasangkot ng ilan nilang kasamahan.
Para kina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, tama lang na ipaubaya sa third party ang imbestigasyon dahil may mga kongresista ang nakakaladkad sa nasabing usapin.
“I think we need a third party to look into it. Kung Congress kasi ang mag-imbestiga baka sabihin na we investigating ourself so dapat talaga may third party,” ani Suarez.
“I agree,” sagot naman ni Marcos na hindi ang Kongreso ang dapat magsagawa ng imbestigasyon at nang tanungin kung bakit ay sinabi nitong “why would the body investigate itself”.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Suarez na mayroon na siyang hawak na listahan umano ng mga tinaguriang “Cong-tratista” o mga nangongontratang kongresista sa mga infrastructure project ng gobyerno.
“I think I have a list on my own,” ani Suarez sa ambush interview kahapon matapos ipresenta ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang 2026 proposed budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon.
“Sa tamang panahon,” ani Suarez nang tanungin kung kailan ilalabas ang listahan ng mga mambabatas na merong construction company.
May mga social media post na nagpangalan sa ilang mambabatas na kontraktor umano subalit walang lumalantad para pabulaanan ito.
Hiningi na rin ni Suarez ang tulong ni Baguio City Rep. Benjie Magalong na tukuyin ang mga kongresista na sangkot sa anomalya sa government infrastructure projects.
“Unfair naman he comes out with statements na ganito karami ang congressmen na ganito, ganyan-ganyan,” ani Suarez dahil habang hindi pinapangalanan ng dating Police general ang mga kongresista ay buong institusyon aniya ang nasisira.
Unang sinabi ni Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na naniniwala siyang may matibay na ebidensya si Magalong laban sa mga nangongontratang kongresista dahil noong hepe ito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at siya ang secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay may kaakibat aniyang ebidensya kapag nagsalita ang opisyal.
Kapwa rin hinamon nina Puno at Suarez si Senate President Francis “Chiz” Escudero na pangalanan kung sino sa Kamara ang nasa likod ng demolition job laban sa kanya dahil buong Kongreso ang napagdududahan.
Hinamon din ni Puno si Escudero na sila na lamang ang magkomprontahan para hindi madamay ang kapulungan.
(BERNARD TAGUINOD)
