MAYNILA – Sa pagdinig ng budget ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Mababang Kapulungan ngayong araw, tinutukan ng mga mambabatas ang pangangailangang palakasin ang Compliance Monitoring and Enforcement Department (CMED) ng ahensya, matapos ibunyag na patuloy na lumalaganap ang mga ilegal na online gambling platform sa kabila ng paulit-ulit na operasyon laban sa mga ito.
Inilahad ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na nasa 12,000 ilegal na online gambling sites na tumatarget sa mga Pilipino ang kanilang natukoy. Sa bilang na ito, 8,000 ang na-block o naipasara sa tulong ng iba’t ibang ahensya gaya ng DICT, NBI, CICC, at PNP Cybercrime Group. Gayunpaman, libo-libo pa rin ang nananatiling aktibo — kabilang ang walo na ipinrisinta sa pagdinig na umano’y kumikita ng tinatayang $50–70 milyon bawat buwan, o halos ₱82 bilyon sa taunang nawalang kita para sa gobyerno.
Kabilang sa mga app na ito ang Poppo Live, Awaz, Vone, BoloUP, Halla Live, Niki, Ximi Video Live, Gem Gala, Himme, at HiChat — mga platform na nagkukunwaring live streaming o entertainment apps ngunit may nakatagong gambling mechanics kung saan maaaring gawing tunay na pera ang digital tokens.
Binanggit ni House Majority Vice Chair Rep. Brian Poe, na unang naghain ng House Resolution 40 para imbestigahan ang online gaming, na hindi sapat ang kasalukuyang sistema ng PAGCOR na basta-basta na lamang ipinapasa ang ulat ukol sa mga ilegal na site.
“Kailangan nating palakasin ang CMED ng PAGCOR, at kailangang silipin ang proseso ng cease and desist kasama ang NBI, CICC, at DICT,” ayon kay Poe. “Sa ngayon, maraming tao ang gustong magreklamo, ngunit nalilito sila sa proseso. Naniniwala sila na PAGCOR ang ahensyang direktang may mandato na magpatigil ng lahat ng site na ito.”
Inamin naman ni Tengco na ang CMED ay isa sa pinakamalaking yunit ng PAGCOR, tumatanggap ng humigit-kumulang 2,000 reklamo kada buwan, kung saan 60% ay may kinalaman sa mga unlicensed operators. Bagama’t epektibo ang CMED sa pangangalap ng ebidensya at pag-uulat ng ilegal na aktibidad, nilinaw niyang wala itong legal na kapangyarihan na direktang magsara ng mga site, at umaasa lamang sa ibang law enforcement agencies para sa aktuwal na operasyon.
Iginiit ng mga mambabatas na ang ganitong hati-hating proseso — kung saan nagsisilbi lamang ang PAGCOR bilang “referral body” — ay nag-iiwan sa mga Pilipino na bulnerable sa scam, panloloko, at pagkakalulong sa sugal, habang bilyon-bilyong pisong buwis ang patuloy na nawawala.
Nagtapos ang pagdinig sa isang matinding panawagan mula sa mga mambabatas na palakasin ang mandato, pondo, at enforcement authority ng CMED, at magtatag ng isang sentralisadong proseso ng site takedown na mas mabilis makakatugon sa lumalalang banta ng offshore gambling platforms.
