Sa gitna ng Ukraine-Russia crisis PAGSIPA NG PRESYO NG BILIHIN ASAHAN

NGAYON pa lamang ay kailangan nang tanggapin ng publiko ang napipintong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa umiigting na girian ng Russia at Ukraine.

“We should brace for price increases. Inflation will go up,” ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa Laging Handa public briefing.

Nagsimula na kasi ang Russia na maglunsad ng missile strike sa military command center ng Ukraine sa Kyiv at Kharkiv.

Kasunod ito ng utos ni Russian President Vladimir Putin na paglulunsad ng military operation sa Ukraine.

Nagkaroon din mga pagsabog sa silangang bahagi ng Ukrainian City ng Donetsk.

Batay sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), sinabi ng Russia na nasira na nila ang ilang air base at air defense ng Ukraine.

Sinabi ni Concepcion na ang pagtaas sa presyo ng krudo sa mahigit na $100 per barrel ang magiging dahilan ng pagsirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi pa niya na dahil ang Ukraine ang nagsu-suplay ng 25% ng wheat o trigo sa buong mundo, maaari pa rin itong maging dahilan ng pagtaas ng presyo ng local bread.

“Epekto niyan dito sa Pilipinas ‘yung presyo ng pandesal,” ayon kay Concepcion.

“The shortage of Ukrainian wheat being 25% supplier in the world, of course will affect prices… That is a concern,” dagdag na pahayag nito.

Aniya pa, ang pagtaas sa presyo sa mga pangunahing bilihin ay hindi dapat ipapasan sa consumers, kaya kailangan ding pigain ng mga negosyante ang kanilang margins.

Muli namang iminungkahi ni Concepcion na ibaba na ang quarantine classification sa Metro Manila at iba pang major economic regions sa Alert Level 1.

Repatriation
ng mga Pinoy

Samantala, umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pioy sa Ukraine na huwag mag-panic sa gitna ng nagpapatuloy na paglusob ng Russia.

Tiniyak ng DFA na mabibigyan sila ng tulong at madadala sa mas ligtas na lugar o mapauuwi sa Pilipinas kung kinakailangan.

Sinabi ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter na sumang-ayon ang Poland na payagan ang mga Pilipino na makapasok sa bansa kahit walang visa.

Sinabi naman ni DFA Undersecretary Sarah Arriola, may apat na Pilipino ang nag-request ng repatriation assistance ang nakatakdang lumipad sa Maynila mula Kyiv “if circumstances would allow”. Inaasahan na darating ang mga ito sa bansa ngayong Sabado.

Nag-aalburoto ang Russia dahil hindi raw ito pinakikinggan sa iginigiit nitong huwag isali ang Ukraine sa NATO at panawagang itigil na ang eastward expansion ng NATO malapit sa kanilang border. (CHRISTIAN DALE)

180

Related posts

Leave a Comment