TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na sisiguraduhin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang mga batas na naghihintay ng kanyang pirma ay hindi babangga sa Saligang Batas.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa tanong kung ang mga batas na naglalaman ng mga probisyon na pinagtibay na may kaugnayan sa isang tao na maaaring maipagpalagay o presumed guilty sa drug-related offenses “until proven otherwise” na naipasa sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Inamiyendahan kasi ng House Bill 7814 ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, na naglalayong mas lalong palakasin ang illegal drug prevention at control measures ng bansa.
“Sa batas po may presumption na alam ng mga mambabatas ang kanilang ginagawa pero habang hindi pa po iyan batas, napakahirap naman pong magkomento ang ating presidente ‘no. Bilang tagapagpatupad po ng Saligang Batas naman at lahat ng batas natin, sisiguraduhin ng ating pangulo na lahat ng batas na nag-aantay ng kanyang lagda ay hindi po salungat sa ating Saligang Batas,” ayon kay Sec. Roque.
Kaya ang pakiusap ni Sec. Roque sa publiko ay hintayin ang final version ng panukalang batas lalo pa’t hindi pa ito naipapasa ng Senado.
“Samantala po we respect the prerogative of our legislators to enact laws dahil ‘yan po ang kanilang trabaho ,” ayon pa sa kalihim.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na kilala ang pangulo sa kanyang hindi matitinag na laban sa illegal drugs na naging dahilan para ilunsad ang kanyang bloody war noong magsimula ang kanyang termino. (CHRISTIAN DALE)
