Sa kabila ng gulo sa Middle East PALASYO: WALANG DAHILAN MAG-PANIC BUYING, HOARDING

WALANG nakikitang dahilan ang Malacañang para mag-panic buying ang publiko sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sapat at kumpleto pa ang suplay ng fuel at mga pangunahing bilihin sa bansa kaya walang dahilan para mag-hoard ang mamimili.

“Hindi po kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman po at enough pa po ang supply, lalong-lalo na ang ating fuel at ang ating mga basic commodities,” ani Castro.

Sinabi rin nito na batay sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), wala namang galaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa National Capital Region at sa iba pang rehiyon.

“Tulad ng aking sinabi kahapon sa DTI, wala naman daw po movement ng price sa mga basic commodities natin sa NCR at sa ibang mga region,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Castro, kung may makitang “abnormal” na pagtaas ng presyo ng mga produkto o petroleum products, dapat itong agad i-report sa Department of Trade and Industry at Department of Energy (DOE).

Nauna nang nagbabala ang Malacañang sa mga negosyanteng maaaring manamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa krisis sa Middle East, kasabay ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng malakihang oil price hike.

Binigyang-diin ni Castro na hahabulin ng batas ang sinomang gagamit sa krisis upang magtaas ng presyo nang walang sapat na batayan.

Giit nito, nais ng administrasyon ang pagkakaisa at hindi panlalamang sa kapwa, kasabay ng babala sa mabibigat na parusang maaaring kaharapin ng mga mapatutunayang profiteer.

(CHRISTIAN DALE)

50

Related posts

Leave a Comment