KAILANGANG tiyakin ng mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan na mahigpit na ipatutupad ang 10-day quarantine rule para sa returning Filipinos mula sa ibang bansa para maiwasan ang pagpasok ng Delta Plus variant sa Pilipinas.
Ang apelang ito ni Inter-Agency Task Force co-chairman at Cabinet Secretary Karlo Nograles ay bunsod na rin ng pag-aalala sa patuloy na pagkalat ng Delta Plus variant, na mayroon na umanong naitala na 200 kaso sa 11 bansa.
“‘Yung 10-day quarantine rule po natin, very important iyan. Nakita natin na it really worked doon sa 17 na nag-positive ng Delta variant dito sa ating bansa na mula sa abroad,” pahayag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na ang 10-day quarantine rule ay may malaking gampanin kung bakit karamihan sa 17 katao na infected o nahawa ng Delta variant sa bansa ay kaagad na-discharge nang walang panganib na maaaring makahawa ng ibang tao.
Iyon nga lamang, mayroong isang pasyente ang patuloy na mino-monitor sa ospital.
“Mapasukan lang tayo ng isang Delta variant, things will really drastically change on the ground. Importante na lahat ng airports ay higpitan natin ang ating 10-day quarantine rule,” aniya.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Nograles na ang available na COVID-19 vaccine doses sa bansa ay maaaring maprotektahan ang isang tao mula sa malalang infections, tinukoy nito ang pag-aaral na ginawa ng international medical experts.
Sa ngayon, wala pang naitatalang Delta Plus variant sa bansa, ayon sa University of the Philippines-National Institute of Health.
Samantala, ang Delta Plus variant, mas kilala rin bilang B.1.617.2.1 o AY.1 variant, ay mutation ng Delta variant na itinuturong dahilan ng “deadly surge” sa India noong Mayo.
Nagbabala naman si Infectious diseases expert Dr. Edsel Salvana na ang variant ay “four times more contagious” kumpara sa orihinal na virus na natuklasan sa Wuhan, China noong 2019.
Kahapon, iniulat ng SAKSI Ngayon ang reklamo ng isang balikbayan hinggil sa hindi pagkilala umano sa bakunang natanggap nila sa ibang bansa kaya naobliga silang sumailalim sa mas mahabang panahon ng quarantine at iba pang proseso.
Bahagi ng reklamo ng hindi pinangalanang balikbayan:
“I showed the doctor my single Makati Med vaccine shot and 2 Pfizer shots from the US. He has to follow rules daw, even as he understands my position, so, 10 days quarntn! Told him that starting June 16, supposedly vaccinations from abroad would merit 7 days quarntine only. Finally, he gave me 2 email addresses where I can appeal our case for shorter quarantine!
Then, we had to go down and be ushered to the airport room where THEY MADE SURE that we PRE-PAY the SWAB test to be conducted on the 7th day!
The clear money maker is that WE PAY this DETOXICARE company na never-heard! We found out that Detoxicare contracts out the job: for example, one of them is Makati Med! They are Agents only! Ay naku!
Ayon sa impormante ng SAKSI Ngayon na empleyado sa NAIA, ito ang gimik ng mga tiwali sa kanilang ahensiya — ang gipitin ang mga balikbayan upang maobligang “bumigay” ang mga pasaherong ayaw nang mag-quarantine ng higit pa sa pitong araw.
Lumalaro umano sa P30,000 hanggang P50,000 ang isinusuka ng kada indibidwal mula sa Estados Unidos na ayaw nang maabala.
Tinatayang nasa 1,500 balikbayan kada araw ang dumarating sa nasabing paliparan.
“Ipagpalagay nating trenta porsiyento na lang ng 1,500 balikbayang lumalapag kada araw ang kumagat sa modus nila, tumataginting na P30 milyon kada araw ang pasok sa bulsa nila,” sambit pa ng nasabing kawaning nakatalaga sa arrival area ng NAIA. (CHRISTIAN DALE)
128
