Sa laki ng utang ng Pilipinas HALOS P1 TRILYON INTEREST PA LANG

BUNSOD ng patuloy na paglobo ng utang ng Pilipinas, pataas din nang pataas ang inilalaang pondo para sa pambayad sa interest pa lamang.

Sa budget presentation ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa 2026 national expenditure program (NEP), kapansin-pansin ang pagtaas ng debt service.

Sa P6.793 trilyon na pondo sa susunod na taon, umaabot sa P978.7 Billion o halos isang trilyong piso ang nakalaan sa debt service o katumbas ng 14% sa kabuuang pambansang pondo sa susunod na taon.

Mas malaki ito kumpara sa P848.031 billion ngayong 2025, P763.31 billion noong 2024 at P628.33 billion noong 2023.

Bago matapos ang buwan ng Hunyo, umaabot na sa P17.27 trillion ang utang ng Pilipinas at pinangangambahang lalagpas ito sa P19 trilyon bago matapos ang kasalukuyang taon at malalagpasan ang P7 trilyon na idinagdag ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng anim na taon niyang termino.

Base sa batas, hindi pwedeng galawin ng Kongreso ang debt service dahil kabilang ito sa automatic appropriations kaya maraming mambabatas lalo na sa Makabayan bloc ay nais amyendahan ang nasabing batas.

Ang debt service ang pang-apat sa pinakamalaking paggagastusan sa pambansang pondo sa susunod na taon na kinabibilangan ng P2.314 trilyon para sa social service, P1.868 trilyon sa economic service, P1.202 trilyon sa general public service, debt service at defense na may P430.9 billion.

Kahapon ay nagpatawag ng pulong si House committee on appropriations chairperson Rep. Mikaela Suansing bilang preparasyon sa pagsisimula ng budget hearing sa Lunes, Agosto 18, 2025.

Nagkasundo rin ang dalawang kapulungan ng Kongreso na baguhin ang legislative calendar upang ipagpaliban ng isang linggo ang bakasyon ng kapulungan sa Oktubre, upang masiguro na maipasa ang pambansang pondo.

Base sa orihinal na legislative calendar, mag-aadjourn ang sesion sa October 3, 2025 subalit ginawa itong October 10, 2025 kaya mababawasan ng isang linggo ang bakasyon ng mga mambabatas dahil mula sa dating October 4 hanggang November 19 ay ginawang October 11 hanggang November 19.

(BERNARD TAGUINOD)

16

Related posts

Leave a Comment