Sa Maynila: Telcos, at iba pa, bawal magsampay ng kawad o linya sa Meralco posts

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

FULL blast na sa Maynila ang pag-aalis at paglilinis ng mga nagsabit, buhol-buhol at sala-salabit na mga linya ng kuryente, mga kawad ng telekomunikasyon, at iba pa – na panganib sa buhay ng tao.

Lintik kasi itong mga telco kung makagamit ng mga poste at pasilidad ng Meralco, aba, walang pakialam, basta, kabit na lang nang kabit, bukod sa masakit sa mata, eyesore talaga, pagmumulan pa ng disgrasya, sunog o kaya malaking perwisyo sa tao at sa gobyerno.

Ang pangit talaga ng “spaghetti wires,” mabuti naman at agad, matapos makipagmiting si Yorme Isko Moreno Domagoso kay Meralco VP at head ng Communications na si Joe Zaldarriaga, inumpisahan agad ang implementasyon ng Executive Order No. 5 ni Yorme Isko sa Binondo, Manila nitong Miyerkoles, Hulyo 9.

Sa utos, lahat ng nakasabit, nakalawit na putol na kawad ng kuryente, kable ng mga telcos at kung ano-ano pang spaghetti wires ay alisin.

Sa operasyon kahapon, mahigit ding 2 milyong kilo ng mga nakalawit, nakasabit na kawad ng kuryente, kawad o linya ng Globe at Smart, nakakalas na.

Kaya nga, malaki ang pasasalamat ni Yorme Isko sa Meralco at kay Zaldarriaga at nalinis ang mga eyesore na nakasabit sa mga poste.

Malaking bagay ito, sabi nga ni Yorme, kasi kailan lang ay may natumbang poste. At maswerte, walang nadisgrasya, at ngayong patuloy ang paglilinis, mababawasan ang mga aksidente.

Natutuwa nga si Yorme Isko, kasi in full cooperation ang Meralco at ang mga tao sa city hall, pakonti-konti, magagawa nang maalis ang mga panganib na nakaamba, kung may matumba, o tumagilid na poste ng kuryente, at magiging maganda na sa paningin ang Maynila.

Nagpasalamat din si Joe kay Isko, sabi nga niya, “Malaking bagay kapag kakampi mo ang city hall as we have been saying in the past. Dito, kitang-kita namin ang taos-pusong suporta nila Yorme kaya todo-todo na itong pagkilos natin.”

Ito namang mga telcos, aba, hindi pala nakikipag-coordinate sa Meralco pag nagkakabit ng mga linya ng kanila komunikasyon.

Sabi ni Zaldarriaga kay Yorme noong katindihan ng COVID-19 pandemic, sala-salabat, kung saan-saan at basta lang nagkakabit ang mga telcos nang ‘di alam ng Meralco.

Aba, may pagkabastos ang mga tinamaan ng kulog, pero ngayon, ‘di na pwede ‘yan, sabi ni Yorme Isko, effective immediately, walang pwedeng magkabit ng anomang linya ang mga telco at iba pang service provider sa poste at pasilidad ng Meralco posts sa loob ng Maynila, kung walang permiso o clearance mula sa Meralco.

Mga telco, at iba pa, ito ang sabi ni Yorme Isko:

“All those telcos or any other services na gagamitin ang Meralco, hindi na po kayo pupwedeng magkabit. Simula last week, sinabi ko na ito kay City Engineer Andres at City Electrician Randy Sadac.”

Noon pala, bulag ang Meralco, basta inaprubahan ng City Hall ang mga pasaway at tolongges na telco at iba pang service provider, basta na lang naglalatag.

At pag sinita ng Meralco, magpapalusot na may permiso kami sa LGU.

Iba na ngayon, hindi na pwede ang sampay nang sampay, ang bagong policy, kahit pa may pirma sa city hall, “It is now Meralco who will say yes or no kung kayo ay makakapaglatag sa poste ng Meralco.”

‘Pag walang permiso ang Meralco, bawal na, ‘di na pwedeng magkabit, magsampay at maglatag sa mhs poste ng kuryente, ‘yan ang bagong utos ni Isko.

“All those telcos or any other services na gagamitin ang Meralco, hindi na po kayo pupwedeng magkabit. Simula last week, sinabi ko na ito kay Andres at Engr. Randy,” diin ni Yorme Isko.

Meralco na ang magsasabi ng “Yes” or “No,” at ang policy na ito ay para sa kabutihan ng lahat, at higit ay ang kaligtasan ng buhay ng tao at ari-ariang pribado at ng gobyerno ng Maynila.

Kasunod nito, humingi ng kooperasyon ang alkalde sa lahat na sumunod sa mga tuntuning pangkaligtasan at upang maging kaaya-aya sa madlangbayan ang Maynila.

Lubos naman ang pasasalamat ni Joe Z at nakabalik na si Isko, sa loob lamang ng ilang araw, nalinis ang nakatambak na tone-toneladang basura at kalat sa Maynila, at ngayon ay very pleasant sa mga mata ang ganda at mabangong Maynila.

Ito ang tiyak, gagayahin ng ibang LGU ang sinimulang ito ni Yorme Isko.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

38

Related posts

Leave a Comment