Sa modernization program MAINTENANCE, GAS ‘DI PAPASANIN NG TSUPER

SINABI ni DOTr-Office of Transportation Cooperative Jesus Ferdinand Ortega na hindi na mamomroblema sa gasolina at iba pang maintenance ang isang jeepney driver kung ang pinapasada nitong jeepney ay nasa ilalim ng kooperatiba sa gitna ng isinusulong na jeepney modernization ng pamahalaan.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Ortega na sa ilalim ng kooperatiba ay iiral ang sama-samang pagtutulungan hindi lang ng sasakyan kundi pati na ang sistema patungkol sa kooperatiba.

Wala na rin aniyang magiging problema sa mga lugar kung saan maipaparada ang jeepney sa ilalim ng sistema ng kooperatiba habang nasa balikat na rin nito ang pagkakaroon ng benepisyo ng isang miyembro nito partikular sa SSS, PhilHealth, insurance, habang may makukubra rin umanong komisyon sa katapusan ng taon.

Sa kabilang dako, sinabi ni Ortega na nagsasagawa sila ng mga pagbisita sa mga probinsiya at sa tulong ng mga LGU ay kanilang ikinakalat ang tamang impormasyon hinggil sa bentahe ng kooperatiba, makumbinsi ang mga kinauukulan at mabatid ang tamang direksyon.

Sa ilalim din ng kooperatiba ay alam na ng isang driver ang kikitain niya sa araw-araw, ayon kay Ortega dahil parang sumusuweldo ito sa isang kumpanya. (CHRISTIAN DALE)

353

Related posts

Leave a Comment