Sa pagbasura sa kaso ng 17 OFWs; AKO-OFW NOMINEE NAGPASALAMAT SA QATARI GOVERNMENT

NAGPASALAMAT si AKO-OFW nominee Joseph Rivera sa Qatari Government matapos ibasura ang kaso ng 16 overseas Filipino workers (OFW) na kasama niya sa pagtitipon sa isang resort sa Qatar.

Pero nanindigan si Rivera na walang naganap na political protest o rally kundi isang payapang family picnic o bonding lamang.

Marami kasi ang lumabas na balitang nagsagawa ng kilos protesta ang kanilang grupo kasabay ng kaarawan ng dating pangulong Rodrigo Duterte na siyang taliwas sa umano’y tunay na rason ng kanilang pagtitipon.

Ayon kay AKO-OFW nominee Joseph Rivera, taos-puso rin ang kanyang pasasalamat sa effort ng Philippine government para sa madaliang paglaya niya at ng kanyang kapwa Pinoy workers.

Bukod pa rito, nagpaabot din ng pasasalamat si Rivera sa kanyang pamilya, kaibigan, mga supporter, employer at kasamahan o bumubuo sa AKO-OFW Party-list sa pagdarasal at suporta noong sila’y nahatulan ng pagkakakulong.

Ani Rivera, magsisilbi itong karanasan sa kanila na maging responsable sa kanilang gagawin lalo pa’t iba ang batas sa Qatar maging sa iba pang mga bansa. Sa kabila nito, pinunto ni Rivera na sana’y huwag agad maniniwala sa mga sabi-sabi bagkus ay alamin ang totoong nangyari.

Sa ngayon, inaantay na lamang nila na maalis ang travel ban at maibalik ang kanilang mga mobile phone at ilan pang mga personal na bagay na kasalukuyan nasa kustodiya ng pulisya sa Qatar.

Mensahe ni Rivera “Maraming salamat at mabuhay ang tunay na Bagong Pilipinas”.

53

Related posts

Leave a Comment