Sa pagbubukas ng plenary debates sa Senado ng 2026 GA bill KAHANDAAN SA KALAMIDAD, PONDO NG LGUs DIDIINAN NG DBM

BIBIGYANG-DIIN ng Department of Budget and Management ang panindigan nitong palakasin ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna sa pag-umpisa ngayong linggo ng Senate plenary deliberations para sa P6.793 trilyong 2026 General Appropriations Bill.

Sa mga unang yugto ng pagtalakay, lumitaw na pangunahing prayoridad ang alokasyon ng pondo para sa mga lokal na pamahalaan at mga programang may kaugnayan sa disaster response, na sumasalamin sa pagtutok ng administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng mga komunidad at mabilis na pagbangon mula sa mga kalamidad.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakatuon pa rin ang DBM sa pagpapaigting ng fiscal discipline at epektibong paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa antas ng lokal na pamahalaan, upang matiyak na ang mga proyekto ay naipapatupad nang ganap at tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

“Kailangang mapabuti natin ang paggamit ng budget ng pamahalaan, kabilang na at higit sa lahat sa mga local government units,” ayon kay Pangandaman.

Dagdag pa niya: “Ang pinakamahalaga sa lahat, lalo na para sa mga implementing agencies, ay masigurong naisasagawa ang bawat proyekto.”

Kabilang sa mga tinutukan sa deliberasyon ang mga pangunahing pondo sa ilalim ng Local Government Support Fund, special shares ng LGUs sa national tax proceeds at fire-code fees, death benefits ng mga opisyal ng barangay, gayundin ang mga badyet para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Contingent Fund, Miscellaneous Personnel Benefits Fund, National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), Pension and Gratuity Fund, at Unprogrammed Appropriations.

Layunin ng mga pondong ito na patatagin ang kakayahan ng mga LGU sa pagpapaunlad ng imprastruktura, kahandaan sa sakuna, at paghahatid ng serbisyong panlipunan – lalo na sa mga lalawigang matinding naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.

37

Related posts

Leave a Comment