Sa paglipad ng US fighter planes KALMA LANG – AFP

WALANG dapat ikabahala ang sambayanan Pilipino maging ang ibang bansa sa mga nakikitang United States fighter planes na lumilipad sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Paglilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang pagdami ng presensya ng mga eroplano ng Amerika sa Pilipinas ay may kaugnayan sa mga idinaraos na bilateral exercises ng dalawang bansa.

Una nang kinuwestiyon ni Sen. Imee Marcos ang namataang military planes ng US Air Force sa Maynila at Palawan.

Ayon kay PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, ang mga aircraft na ito ay bahagi ng Cope Thunder 2 exercise.

Paliwanag pa ni Castillo, lahat ng US aircraft ay mayroong diplomatic clearance mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Reaksyon ito ng opisyal sa pahayag ni Marcos na nagsusulong ng imbestigasyon sa umano’y unadvised landing ng isang US military aircraft sa Maynila noong June 26.

Ayon naman kay AFP Spokesman Col. Medel Aguilar, bilang isang senador at opisyal ng bayan, karapatan ni Marcos na personal na tumanggap ng direktang paliwanag mula sa hanay ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Ang Cope Thunder ay isang joint exercise sa pagitan ng US Air Force at Philippine Air Force.

Layon nitong magsagawa ng air to air operations na magbibigay oportunidad sa dalawang bansa na paghusayin pa ang kanilang kapasidad at kahandaan sakali mang magkaroon ng threat sa rehiyon.

Nabatid na maging ang Philippine Marines ay may ginagawang joint interoperability exercise sa tropa ng US forces na kinapapalooban din ng paggamit ng US war planes. (JESSE KABEL RUIZ)

334

Related posts

Leave a Comment