SA pagpanaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, na sinasabing “napakaraming alam” sa anomalya sa flood control projects, nanawagan si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na pabalikin at imbestigahan si dating DPWH Secretary Manny Bonoan.
Ayon kay Tinio, kung may mas nakaaalam pa sa umano’y katiwalian kaysa kina Cabral at dating Usec. Bernardo, ito ay walang iba kundi ang kanilang dating hepe.
“But if there’s anyone who knows even more than her and Usec. Bernardo combined, it’s none other than their boss, the former DPWH Sec. Manny Bonoan. No allocations could be made, no funds could move in DPWH without the knowledge and go-signal of Bonoan,” paliwanag ng mambabatas.
Si Bonoan ay umalis ng bansa noong Nobyembre 11, 2025, umano’y upang samahan ang kanyang asawa para magpagamot sa Estados Unidos, at inaasahang babalik noong Disyembre 17, 2025. Gayunman, hindi na ito umuwi.
Samantala, iminungkahi naman ni Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang seizure warrants upang makuha ang mga dokumentong posibleng itinago ni Cabral sa kanyang mga bahay.
“Sa naulat na pagkamatay ni dating Usec. Cabral, maraming katanungan ang maaaring hindi na mabigyan ng kasagutan at kalinawan. Kaya dapat lang na may urgency ang mga awtoridad sa paghagilap at pagprotekta sa mga ebidensya,” ani De Lima.
Hindi Pa Rin Ma-trace — Malacañang
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng Malacañang na hanggang ngayon ay hindi pa rin matunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Bonoan, matapos itong mabigong makabalik sa Pilipinas.
Ayon sa Bureau of Immigration, walang rekord na nagpapakitang muling pumasok sa bansa si Bonoan matapos ang nakatakdang petsa ng kanyang pagbabalik noong Disyembre 17.
“For now, there are no orders regarding that,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung sinusubaybayan ba ng ehekutibo ang lokasyon ni Bonoan.
Si Bonoan ay kasalukuyang saklaw ng immigration lookout bulletin kaugnay ng umano’y pagkakadawit nito sa flood control controversy. Sa ilalim nito, inaatasan lamang ang immigration authorities na i-monitor ang kanyang mga biyahe at hindi siya pigilan sa pag-alis ng bansa.
Ang hold departure order, na tanging korte lamang ang maaaring maglabas, ang nagbibigay ng kapangyarihan sa pamahalaan na pigilan ang isang indibidwal na bumiyahe palabas ng bansa.
Si Bonoan ay umalis ng Pilipinas noong Nobyembre 11 upang samahan ang kanyang asawa para sa isang medical procedure sa Estados Unidos.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
105 