Sa pagpapalawig ng Malampaya contract sa Udenna – solon ‘MIDNIGHT DEAL’ KAY DENNIS UY

(ESTONG REYES)

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa posibilidad na pagpasok ng gobyerno sa isang midnight deal kaugnay ng pagpapalawig sa service contract ng Malampaya project na magtatapos sa 2024.

Ito’y sa gitna ng bentahan ng shares ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX), ang operator ng Malampaya gas field project, sa Malampaya Energy XP Pte Ltd. Ang Malampaya Energy ay isang kumpanyang nasa ilalim ng Udenna Corp. na pagmamay-ari ng negosyanteng si Dennis Uy.

Ikinabahala ni Gatchalian ang aniya’y napabilis na negosasyon nang pumasok na sa eksena ang Udenna samantalang ni wala raw nakuhang kasiguruhan ang Shell sa DOE mula pa noong 2016 kung palalawigin pa ang Malampaya o hindi na.

“Hindi talaga maiaalis sa isip na baka magkaroon ng midnight deal dahil 2016 pa lang, gusto na itong i-renew ng Shell. Alam ko yan at saksi ako dyan. Ngayong pumasok sa eksena si Udenna, biglang bumilis yung negotiations,” ani Gatchalian.

Mula sa preliminary negotiations para sa posibleng extension ng Service Contract (SC) 30 ng Malampaya natural gas field noong 2019, sinabi ng mga opisyal ng DOE na nagsimula na ang mas seryosong negosasyon nito lamang kalagitnaan ng taon at nagbuo kaagad ng isang negotiating team.

Para rin kay Gatchalian, Senate Energy Committee chairperson, nakaaalarma na nakikipagnegosasyon na ang Malampaya Energy sa gobyerno samantalang hindi pa naisasapinal ang pagbili nito sa shares ng SPEX sa Malampaya. Kasama sa mga pinag-uusapan na kundisyon ang 70-30 royalty sharing na pabor sa gobyerno.

“Premature at unethical para sa Malampaya Energy na makipagnegosasyon sa gobyerno,” pagdidiin ni Gatchalian.

Kinuwestyon din ni Gatchalian ang DOE sa pag-amin nitong nagkaroon ng “insufficient foundation for legal basis” noong nabili rin ng kumpanya ni Uy ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya. Kung tuluyang maaprubahan ang pagbili ng Malampaya Energy sa 45% stake ng SPEX, magiging 90% na ang stake ng Udenna sa Malampaya project.

“Bilang mga Pilipino, nais natin ng operator na qualified, may sapat na kakayahan, at makapagbibigay ng kasiguruhan ng tuloy-tuloy na suplay ng gas sa mga planta. Bilang isang konsyumer, hinihiling ko sa DOE na manaig sa kanila ang integridad at due diligence upang hindi makompromiso ang suplay at presyo ng enerhiya sa bansa,” pagtatapos ni Gatchalian.

221

Related posts

Leave a Comment