BISTADOR ni RUDY SIM
KAHIT sa araw ng Linggo ay nagkukumahog na nagpatawag ng press conference itong Commissioner ng Bureau of Immigration na si Joel Viado para iharap sa media ang nahuli na nila kuno na puganteng pinatakas, dahil sa kahihiyang inabot ng kanyang pamunuan matapos na patakasin ng mga tauhan nito ang isang puganteng South Korean, na matatandaang pinatakas ng tatlong personnel ng Warden facility pagkatapos ng court hearing nito sa QC Hall of Justice.
Ang pananahimik sa isyu ni Department of Justice Secretary Boying Remulla, nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang BI, ay pagpapakita lamang na may kinikilingan ito sa katiwalian sa ahensya, taliwas sa nakaraang hepe na si Norman Tansingco na halos maglupasay sa galit ang kalihim sa harap ng media nang makatakas noong nakaraang taon si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Bakit hindi iniutos ni Remulla sa NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon kung paano at sino pa ang mga kasabwat sa pagpapatakas sa puganteng si Na Ikhyeon?
Bago pa man sa araw ng pagtakas ng dayuhan ay nagpalabas ng memo itong warden ng BI jail na si Zottocles Bechayda hinggil sa bagong protocol sa pag-escort na isasagawa ng kanyang mga tauhan, bago pa man ito nagtungo sa Japan para mag escort ng deportee na hindi naman dapat trabaho ng isang warden, ngayon lang kaya nakatikim ng free travel itong si warden?
March 4 ang araw ng hearing ng Korean fugitive, bago ito umalis sa Bicutan Jail ay nakakuha pa tayo ng ekslusibong litrato na kinunan itong nakangiti pa habang may hawak na short pants na kanyang ginamit sa pagtakas matapos na sila ay makunan ng CCTV kung paano pinatakas ang pugante. Ibig sabihin ay planado ang kanyang pagtakas.
Matapos ang pagtakas ay bakit napakabilis na gumawa ng incident report itong deputy warden na si Joemar Barlaan at agad na pumirma kahit alam nitong nakatatawa ang dahilan na ibinigay ng kanyang mga tauhan na sinabing nakatakas ang pugante nang ito ay nagpaalam na gagamit ng restroom sa QC Hall of Justice. Bakit hindi muna ito nag-imbestiga? Panatag kaya ang kanyang loob na walang pagdududang mangyayari sa dahilan ng pagtakas dahil mayroon pang mas mataas na opisyal ng BI ang kasabwat at kasama sa partehan, na ayon sa tsismis ay nagbayad ang dayuhan ng 30 milyong piso?? Ano itong impormasyong nakuha natin na nag-iingay raw itong si Barlaan na alam nito ang katotohanan? Mayroon kaya itong nais ibulgar kung sinong mataas na opisyal ng BI ang sangkot? Hindi naman siguro tanga at bobo itong si Barlaan para pumirma sa report na nakatakas sa CR ang pugante dahil kahit Grade 1 ay matatawa.
Kung hindi ko inilabas ang CCTV footage kung paano nila pinatakas ang pugante ay malamang hayahay na sa kanilang kinita itong mga kamote na mga tauhan ni Viado. Dahil dito ay agad na naghugas ng kamay si Viado na sinabing sinibak na niya agad ang tatlo nitong tauhan na may kagagawan sa pagpapatakas? Weh ‘di nga? Kung sinibak mo na agad bakit nakapag-duty pa ang driver ng van sa Bicutan jail nitong Sabado? Kume, kung hindi mo sisirain ang iyong mga tauhan sa BI jail ay ‘obstruction of justice’ ‘yan kumag, para alam mo lang.
Kung gustong linisin ni Viado ang BI warden facility bakit hindi nito sinibak ang warden at deputy na pumirma sa report at sa command responsibility? Dahil ba bata ni Viado ang warden at kasama naman sa Mason itong si Barlaan? Ganito ba ang mga Mason na kahit alam nilang may kapabayaan ang kanilang tauhan ay pagtatakpan? Bakit hanggang ngayon ay hindi maipatigil ni Viado ang ilegal na pamemera ng kanyang mga tauhan sa jail, kagaya na lamang ng ‘Ice Room’ para sa VIP inmates na nagbabayad kada buwan ng renta?
Bakit kung saang lugar naunang hinuli noon ang pugante ay doon muli itong nagtago sa kanyang pagtakass, mayroon kayang conspiracy theories na nangyari kaya’t alam ng intelligence division kung saan siya kukunin??
Makikita natin sa ating post sa Facebook na nagtrending, ay inilabas ng netizens ang kanilang galit sa sobrang katiwalian sa ating gobyerno partikular ang hindi na nakabangon sa kontrobersya, ang BI. May pag-asa pa kayang mabago ang ahensya laban sa mga tiwali o isang cancer na sa lipunan? Mr. Viado Sir, mawalang galang na lang po. Pero ang sigaw ng netizens, bakit hindi ka pa mag-RESIGN kung meron ka pang natitirang DELICADEZA!!
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
