Sa pagsulpot ni Frasco bilang ‘dark horse’ PAGSIPA KAY ROMUALDEZ SA 20TH CONGRESS NAMUMURO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

LALONG naging maugong ang pagpapalit ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso sa paglutang ng pangalan ni Cebu Representative Duke Frasco.

Bagaman hindi pa nagpahayag ng planong tumakbo bilang Speaker ng Kamara, lumulutang pa rin ang pangalan ni Frasco bilang seryosong pangalan ng susunod na lider ng House of Representatives.

“He’s not making a big deal out of it, but people are taking notice,” pahayag ng isang senior House member na tumangging magpakilala. “He has the background, the integrity, and the capacity. That’s what the House needs now more than ever,”giit pa nito.

Si Frasco ay itinuturing ngayon bilang isang dark horse sa Speakership race.

Matatandaang kamakailan ay may mga nagpahayag ng pagkadismaya sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez. Kabilang sa inirereklamo ay hindi nito mapagkaisa ang Kamara.

Samantala, sa pagpasok sa kanyang ikatlo at huling termino, bitbit ni Frasco ang higit 18 taon ng serbisyo publiko.

Nagsimula siya bilang Alkalde ng Liloan noong 2007, naging Bise Alkalde noong 2016, at kalaunan ay itinalaga bilang Commissioner ng Cebu Port Authority, kung saan naging susi siya sa pagpapalakas ng proyektong Liloan Port.

Sa Kamara, kilala si Frasco sa pagsusulong ng mga panukalang batas para sa edukasyon at kalusugan.

Isinulong niya ang pagtatayo ng mga bagong campus ng Cebu Technological University at Cebu Normal University, at pinangunahan ang mga inisyatibo sa pagpapatayo at pagpopondo ng mga ospital gaya ng Liloan Children’s Hospital at iba pang pasilidad pangkalusugan sa mga liblib na lugar.

Bukod sa kanyang karanasan sa gobyerno, matingkad din ang background ni Frasco sa pribadong sektor.

Lumaki at nag-aral sa Estados Unidos, nagtapos siya ng kursong Finance and Accounting at naging internal auditor sa isang multinational na kumpanya—isang karanasang sinasabing mahalaga lalo na sa paghahanda ng administrasyong Marcos para sa pambansang budget sa 2026.

Ang malawak na koneksyon ni Frasco ang bentahe nito para pag-isahin ang Mindanao at Visayas bilang lumaki sa Cebu at may lahi mula sa Misamis Oriental na wala sa kasalukuyang Speaker.

Bagamat hindi pa tahasang nag-aanunsyo ng interes sa Speakership, inilarawan si Frasco ng ilan sa mga kasamahan sa Kamara bilang “matatag, may kakayahan, at hindi mapag-away”—mga katangiang kailangan ngayon sa gitna ng krisis sa pamumuno sa mababang kapulungan.

“He’s not from the usual dynasties in Manila, and that’s exactly why many of us listen when he speaks,” dagdag pa ng isang mambabatas. “He gets things done quietly, and that kind of leadership has power,”paliwanag pa nito.

Desidido man o hindi si Frasco sa pagkandidato sa Speakership, malinaw na ang pag-usbong ng kanyang pangalan ay sumasalamin sa hangarin ng maraming mambabatas para sa bagong pamumuno—matino, epektibo, at tunay na galing sa serbisyo.

56

Related posts

Leave a Comment