IPINAGPALIBAN ng Senate Finance Committee ang approval ng proposed 2022 budget ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa paninindigan ng poll body na hindi na palawigin ang voters’ registration.
Itinakda ng Comelec ang voter registration para sa 2022 elections sa Sept. 30.
Sa pagdinig, hinimok ni Senator Risa Hontiveros, chairperson ng subcommittee ang mga opisyal ng Comelec na mag-convene sila ng En Banc discussion hinggil sa panawagan ng mga mambabatas na palawigin hanggang October 31 ang registration.
“The chair will suspend this hearing, the deliberation of the consideration of the budget being deferred and the chair enjoins the Comelec, through its chair Sheriff Abas, na kung maaari po makapag-En Banc discussion for a third and last time,” saad ni Hontiveros.
Una rito, iminungkahi ni Senador Francis Pangilinan sa Comelec na magpulong at pag-usapan ang extension.
Una namang iginiit ni Abas na wala naman silang opsyon kung hindi sumunod kung sakaling maging batas ang mga panukala para sa voter registration.
Gayunman, iginiit nito ang kanilang suhestyon para sa isa pang linggong voter registration matapos ang filing ng certificates of candidacy. (DANG SAMSON-GARCIA)
