SINOPLA ni Senador Manny Pacquiao si Senador Panfilo Lacson sa pasaring ng huli na gusto niyang tumakbong presidente sa 2022 national elections sa pagsasabing dapat nang itigil ang pamumulitika.
Sa video message na ipinadala sa media, sinabi ni Pacquiao na pawang destiny na kaloob ng Panginoon ang pagiging presidente na maraming nangarap, ngunit marami rin ang nabigo.
“Ang pagiging presidente ay destiny na kaloob ng Panginoon. Marami nang nangarap, marami na ring nabigo,” ayon kay Pacquiao.
Ngunit, aniya, ang tangi niyang hangad na magiging susunod na presidente ay may tunay na malasakit at pagmamahal sa mamamamayang Pilipino.
“Tigilan na natin ang kulay-pulitika, wala nang dilaw, wala nang pula, wala nang orange o kung anoman ang kulay mo, maawa naman tayo sa sambayanan Pilipino,” ani Pacquiao.
Nitong umaga, sinabi ni Lacson na gustong tumakbo ni Pacquiao bilang presidente. Katunayan, ani Lacson, kinausap niya si Pacquiao noong nakaraang taon hinggil dito. (ESTONG REYES)
