Sa petisyon ni Atty. Rodriguez laban sa 2025 budget QUIMBO PINASISIPOT SA KORTE SUPREMA

(JULIET PACOT)

INATASAN ng Korte Suprema si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na sumipot sa oral argument ukol sa blangkong items sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget.

Kinumpirma ito ni Atty. Vic Rodriguez, dating executive secretary at ngayon ay tumatakbong senador sa May 2025 election.

Aniya, inobliga ng Korte Suprema si Quimbo at mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at House of Representatives, na humarap sa pagpapatuloy ng oral argument patungkol sa isyu sa Abril 1, 2 at 3, 2025.

“Ipinag-utos ang pagdalo at presensya ng mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at House of Representatives,” saad pa ni Rodriguez sa kanyang Facebook post.

Nauna rito, nagsampa ng petisyon si Rodriguez sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa legalidad ng 2025 GAA budget dahil sa nadiskubreng blangkong items sa bicam report ng Kamara at Senado.

Magugunitang si Quimbo ang dating vice chairperson ng Committee on Appropriations na bumusisi sa 2025 national budget.

Naupo si Quimbo bilang chairperson ng Committee on Appropriations matapos magbitiw ang dating chairman na si Zaldy Co.

Samantala, tinawag naman ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo si Quimbo na mas masahol pa sa pinalitan nito na si Co.

Bukod kay Atty. Rodriguez, partitioner din sa reklamo sina Davao City 3rd District Representative Isidro Ungab, Rogelio Mendoza, Benito Ching Jr., Redemberto Villanueva, Roseller dela Peña, Santos Catubay, at Dominic Solis.

Ang hearing sa Abril 1-3, 2025 ay isasagawa ng high tribunal sa Baguio Session Hall kung saan hahalukayin ang petisyon na inihain nina Rodriguez na naninindigan na ang GAA ay labag sa Konstitusyon dahil hindi ito naglaan ng mandatory funding para sa PhilHealth.

Labag din umano sa batas ang pagtaas ng appropriations nang higit pa sa rekomendasyon ng Pangulo at naglaan ito ng pinakamataas na budget sa imprastraktura imbes na sa edukasyon.
May mga blangko rin umano sa Bicameral Committee Report on the General Appropriations Bill.

9

Related posts

Leave a Comment