NAGING matagumpay ang isinagawang selebrasyon ng National Children’s Month sa pamamagitan ng SAKSI NGAYON FEEDING AND GIFT GIVING PROGRAM na ginanap sa Barangay Paang Bundok, Iriga St., La Loma, Quezon City noong nakaraang Sabado, Nobyembre 29, 2025.
Ang pagdiriwang ng National Children’s Month na pinangunahan ng media company na SAKSI NGAYON ay dinagsa o dinaluhan ng maraming mga bata mula sa nabanggit na lugar.
Masayang tinanggap ng mga bata ang mga munting regalo mula sa SAKSI NGAYON kasama ng partners nito mula sa iba’t ibang kumpanya na may malasakit sa mga kabataan sa buong bansa.
Kabilang sa partners company ng SAKSI NGAYON ay ang Meralco, Duralite sandals, Ka-Rene Restaurant, Ping Ping Lechon, Mogu-mogu, Go Hotels, Maynilad, Adarna House Publishing, Kamay Ni Nanay, Aqua Sweet, SOGO Cares, at Brgy. Holy Spirit.
Ang okasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng tulong ni Paang Bundok Barangay Chairman William Chua.
Ang selebrasyon ay nagbigay ng kasiyahan sa mga bata na nakiisa sa pamamagitan ng raffle na may iba’t ibang premyo.
May mga palaro din na tulad ng “bring me at dance contest.”Nagsagawa rin Ng storytelling na masayang pinakinggan ng mga bata. Nagpamahagi rin ang Adarna House Publishing sa bawat bata ng munting libro na babasahin nila pag uwi. Ipinakikita at pinahahatid ng Saksi Ngayon ang kahalagahan ng pagbabasa.
Bukod sa nagbigay ng kasiyahan sa mga bata ang iba’t ibang palaro na ibinigay ng SAKSI NGAYON staff ay nabusog din sila ng masasarap na pagkain. Naghandog rin ang Ka Rene Restaurant ng masarap na pandesal at juices.
Ang masarap na pagkain ay sponsor ng Ping Ping Lechon sa pamamagitan ni Brgy. Chairman William Chua.
Ang okasyong ito ay maagang “Pamaskong Handog” sa mga kabataan ng Brgy. Paang Bundok, La Loma, Quezon City ng SAKSI NGAYON kasama ang iba’t ibang kumpanya na pawang sponsors at laging katuwang ng media company sa mga aktibidad na may malasakit sa Pamilyang Pilipino sa buong Bansa.
Kasabay nito, pinasalamatan ng SAKSI NGAYON management ang mga tumulong sa nasabing aktibidad na nagresulta ng kasiyahan sa mga bata sa pandiriwang National Children’s Month ngayong taon.
(Joel O. Amongo)
98



















