ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
MALI at malisyoso ang paratang ni Albay 2nd District Representative Joey S. Salceda na dahil may nahuhuling mga nagtatangkang mag-“smuggle” lalo na ng “agricultural products” sa Subic Bay Freeport, ay pugad na ito ng “smuggling”.
Ito Ang Totoo: Nahuhuli nga ang mga tangkang pag-smuggle kaya ibig sabihin, hindi makalulusot ang ilegal na gawaing ito sa Subic Bay Freeport. Ano po kaya ang mahirap maintindihan dito ni Cong. Salceda?
Sa halip na pagbintangan ng masama, dapat nga pinupuri ni Cong. Salceda ang mga tauhan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pamumuno ni Chairman at Administrator Rolen C. Paulino; at sina Collector Maritess T. Martin ng Bureau of Customs (BoC), at Revenue District Collector Lorenzo Delos Santos, ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ulitin natin para kay Cong. Salceda, mahigpit at epektibo sa Subic Freeport ang pagbabantay ng SBMA, BoC at BIR laban sa “smuggling” kaya nahuhuli ang mga nagtatangkang mag-smuggle.
Ito Ang Totoo: Dapat magtaka si Cong. Salceda kapag walang nahuhuli sa mga puwerto sa iba’t ibang panig ng bansa kung may lumulutang na produkto, lalo na ng pang-agrikultura, sa merkado na suspetsang “smuggled” pala.
Ang Port of Subic, kumpara sa labing-anim na iba pang puwerto ng bansa, ay “consistent” o laging pasok sa “top revenue earners” ng BoC para sa kaban ng bayan. Hindi ba manipestasyon ito na ginagawa ng Customs ang trabaho nito sa Subic?
Ito Ang Totoo: May sarili namang “representative” sa Kongreso ang Subic, kasama sa 1st District ng Zambales, sa katauhan ni Cong. Jay F. Khonghun, eh, bakit ba itong taga-Albay sa Bicolandia ang nakikialam?
Dito nagiging kwestiyonable ang motibo ni Cong. Salceda sa mali at malisyosong paratang nito laban sa Subic. May gusto ba raw iupong SBMA “Chairman & Administrator” kapalit ng “Batang Gapo” na si Paulino, tanong ng mga taga-Olongapo?
Nasaktan ang mga taga-Olongapo at Zambales, pati taga-Bataan, sa wala sa lugar na pagsasa-larawan ni Cong. Salceda na pugad ng “smuggling” ang Subic Freeport at nais pa itong ipasara. Bakit nga naman hindi masasaktan e bukod sa mali ang batayan, nakasalalay rin ang maraming trabaho at hanapbuhay ng mga taga rito.
Ito Ang Totoo: Kapag isinara ang Subic Freeport, may mga pamilyang kapag nawalan ng hanapbuhay ang mga magulang, ay may mga batang mawawalan ng pagkain sa hapag-kainan, bubong na sinisilungan at pinagpapapahingahan, maaaring matigil sa pag-aaral at kung ano-ano pang pahirap sa buhay.
Posible rin itong magbunga ng pagkakawatak-watak ng pamilya, ito ba ang gusto ni Cong. Salceda?
Nais lang naman ng mga taga-Olongapo at karatig lugar sa paligid ng Subic Freeport na maging patas si Cong. Salceda. Bakit ang Subic, tanong nila, sa dami ng puerto sa buong bansa? Ito Ang Totoo!
349