DAVAO City – Nadismaya ang ilang mga sabongero sa lungsod matapos i-anunsyo ng alkalde na hindi pa rin pahihintulutan ang sabong kahit na may basbas na ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Management of Emerging Infectious Diseases sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Inanunsyo ito ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio noong Biyernes matapos na lumabas ang pag-apruba ng resolusyon noong Huwebes.
Ayon kay Duterte-Carpio, isang personal na direksyon at polisiya ng kanyang city administration ang pagbawal ng sabong sa lungsod at hindi para sa pandemya ng coronavirus disease (COVID-19).
“Before, nagsulti na ta daan (sinabi na natin to) na mag-move tayo na i-cancel ang mga permits sa sabungan sa Davao City. Dili ni (hindi ito) related sa COVID-19 but a personal direction and policy sa ato ang city administration,” pahayag ng alkalde.
Kahit may pahintulot na ang IATF, ang local government unit executive pa rin ang magdedesisyon kung pahintulutan na ang pagbabalik ng sabong sa kani-kanilang lugar. (DONDON DINOY)
