NAGPAALALA ang Department of Trade and Industry sa mga restaurant at food establishment owners ng ibayong pag-iingat sa kanilang operasyon sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ito’y dahil nagsimula na ang unti-unting pagbubukas ng dine-in services sa general community quarantine (GCQ) areas.
Sinabi ni DTI Undersecretary Boy Vizmonte sa mga business owner na ipatupad ang mga protocol na itinakda ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Inatasan na aniya ng Inter-Agency Task Force ang DTI, Department of Tourism, Department of Labor and Employment, at ang Department of the Interior and Local Government na i-monitor ang mga dine-in services.
Sinabi pa niya na magkakaroon ng random inspection ang mga nasabing ahensya pero hindi para hulihin ang mga restaurant owner kundi itama kung may mali at hindi naipatutupad na safety protocols dahil hindi lamang pag-iingat ang layunin ng pamahalaan kundi pagbubukas ulit ng mga hanapbuhay.
Napag-alaman na inaprubahan ng IATF ang pagbabalik operasyon ng dine-in services sa GCQ areas simula kahapon sa 30 percent capacity para maipatupad ang social distancing at iba pang measures. CHRISTIAN DALE
