Sagot sa negative campaigning ni Marcos SUKA ANG KALABAN NG PEKENG GINTO – ATTY. RODRIGUEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINUWELTAHAN ng isa sa mga tinaguriang Duterte senatorial candidates ang patutsada kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa campaign rally ng kanyang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tumatakbong senador sa ilalim ng Hakbang ng Maisug at isa sa mga ineendorso ni dating pangulong Rodrigo Duterte, hindi dapat nangunguna ang presidente sa negatibong pangangampanya.

Aniya pa, sa sobrang hirap na dinaranas ngayon ng mga Pilipino ay nagawa pang maliitin ni Marcos ang suka nang sabihing may ilan sa kalaban ng kanyang mga pambato sa Senado ang “nag-deliver lang yata ng suka, nabigyan na ng certificate of candidacy”.

Tugon pa ni Rodriguez, siya ay natutuwa at proud kung sila man ang team suka, at handa rin anya nilang labanan ang team isinusuka.

“Ang suka kalaban ng tanso. Ang suka kalaban ng PEKENG ginto,” aniya pa.

Mistulang nilektyuran din nito si Marcos dahil sa pag-arangkada pa lang ng kampanya ay puro negatibo na ang binitiwan sa kanilang mga kalaban.

“Alam mo pagka-proclamation rally dapat ang ikinukwento mo kung bakit dapat iboto yung mga kandidatong ini-endorse mo. Subalit sinimulan nila sa mali, sa negative campaigning, mabuti na rin ‘yun para masagot natin lahat ng isyu na pilit nilang pinagtatakpan katulad ng korupsyon, pagkalat ng ilegal na droga, ‘yung patuloy na pagtanggi na sumailalim sa isang open, fair, transparent, and credible drug test. ‘Yan ang mga isyu na dapat pag-usapan sa nalalapit na eleksyon,” ayon kay Rodriguez sa panayam sa proclamation rally ng PDP-Laban noong Biyernes sa Club Filipino, Greenhills, San Juan City.

Mistulang ipinaalala rin niya kay Pangulong Marcos na dapat itong umakto bilang pangulo ng lahat ng Pilipino.

“Pagka-pangulo ka na, pangulo ka ng bawat Pilipino, hangga’t maaari hindi ka nakikialam sa campaigning. Hangga’t maaari hindi ikaw ang namumuno at nagsisimula ng negative campaigning, ng name calling, but maganda nga rin yun sinimulan nya ay di sasagutin lang ng ating grupo – ang Duterte senatorial candidates,” aniya.

Sa kabila nito, may nakikitang mabuting dulot si Rodriguez sa mga pinakakawalang patutsada ng grupo ng Alyansa ni Marcos.

“Mabuti pa rin ‘yun para pabalik-balik tayo sa isyu ng droga, ng patuloy na pagtanggi sumailalim sa drug test, yung maanomalya, immoral at unconstitutional, illegal at criminal na 2025 budget.. ito pag-usapan natin. At panatag kami na ang lahat ng kandidato na kasama ko dito sa Duterte senatorial candidates kaya makipag-usap sa taumbayan on issues na talaga namang dapat ay pinag-uusapan,” wika ni Rodriguez.

Dagdag pa niya, malungkot na ang buhay ng mga Pilipino dahil sa mataas na inflation, kagutuman, kriminalidad at droga kaya ang dapat pag-usapan ng mga tumatakbo para sa 2025 midterm elections ay “kung paano patuloy na binubudol ang Pilipino. Pag-usapan natin kung gaano kalaki ang ninanakaw nyo sa kaban ng ating mga Pilipino, ‘yan ang pag-usapan natin.”

35

Related posts

Leave a Comment