WALANG matibay na basehan ang robbery hold-up na anggulong isinusulong ng Quezon City Police District kaugnay ng pagpatay sa isang babaeng peryodista sa kanyang salon nito lamang nakaraang linggo.
Paliwanag ng mga mamamahayag, batid ng salarin na walang kita ang salon ni Gwen Salamida dahil di naman anila ito nakakapag-operate mula pa noong isailalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine bunsod ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Dapat din anilang gamitin bilang batayan ng imbestigasyon ang salaysay ng isang delivery rider na nakakita sa pagpasok at agad na pamamaril ng di pa nakikilalang salarin kay Salamida.
Sa isang eksklusibong panayam sa dating kasamahan ni Salamida, nakakatanggap na umano ng pagbabanta ang peryodista.
Bago pa ito naging advertising manager ng pahayagang SAKSI Ngayon, si Salamida ay editor ng isa pang tabloid kung saan niya nakasama sa trabaho si Adam Moraleta na pinaslang din dalawang taon na ang nakalilipas.
Samantala, nanawagan naman si ACT-CIS Partylist Representative Rowena Nina Taduran para sa agarang pagresolba sa pagpatay kay Salamida.
Ani Taduran na kasalukuyan ding House Asst. Majority Leader, ang mga suspek sa pagpaslang sa dating tabloid editor, ay kailangang managot sa karumal-dumal na krimen.
“Huwag sanang tigilan ang imbestigasyon at pagtugis sa mga may kinalaman sa pagkamatay ni Salamida. Alamin din kung talagang pagnanakaw lang ang motibo o may iba pang dahilan ang pagkakabaril sa kapatid natin sa media,” ayon kay Taduran.
Dagdag pa ng kongresista, kapag naisabatas na ang kanyang inakdang Media Workers Welfare Bill, ang mga miyembro ng media na biktima ng krimen, aksidente at iba pang kadahilanan ng kamatayan habang aktibong nagta-trabaho sa industriya ay makakakuha ng mga benepisyo sa pamamagitan ng insurance.
Si Salamida, na nagpapatakbo ng salon sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City, ay binaril hanggang mapatay ng dalawa kataong sakay ng motorsiko nito lamang linggong ito. (CESAR BARQUILLA)
