HINDI muna pinahihintulutan ng pamahalaan na maglayag sa karagatan ang isang barkong sangkot sa isang malagim na insidente sa karagatang sakop ng bayan ng Agutaya sa lalawigan ng Palawan nito lamang nakaraang Sabado.
Ayon kay Philippine Coast Guard Admiral Artemio Abu, nakapaghain na rin ng asuntong “reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple injuries and damage to property ang kanyang tanggapan sa Antique Prosecutors Office laban sa mga kapitan at tatlong tripulante ng barkong MV Happy Hiro.
Aniya, pitong kataong lulan ng nasabing bangkang pangisda ang hindi pa rin natatagpuan sa kabila pa ng walang patumanggang search and rescue operation sa pinangyarihang lugar at mga karatig karagatang may lawak na 500 milya.
“Nag-file na po tayo ng kaso against dito sa mga kapitan ng barko tsaka 3 officer na kasama niya, base po doon sa mga eyewitness accounts tsaka po doon sa physical evidence na ating na-gather sa insidente,” ayon naman kay PCG spokesman Armand Balilo.
Gayunpaman, ibinaba na sa retrieval operation ang kanilang operasyon sa karagatan sa paniwalang pumanaw na ang mga nawawalang mangingisdang napag-alamang pawang residente ng Bantayan Island sa lalawigan ng Cebu.
Araw ng Sabado nang pumutok ang balita sa naganap na salpukan ng bangkang FB JOT-18 at MV Happy Hiro, sa bahaging malapit sa Maracanao Island sa Agutaya, Palawan.
Labingtatlo sa 20 sakay ng bangkang pangisda ang nasagip ng isa pang fishing boat na nagawi sa lugar ng insidente. (JESSE KABEL)
222 