SAMA-SAMANG PAGKILOS, TUNAY NA SOLUSYON SA PAGBAHA

TARGET ni KA REX CAYANONG

TUWING dumaranas ng malalakas na pagbuhos ng ulan at matitinding pagbaha, madalas na nagiging eksena ang sisihan sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga opisyal.

Ngunit sa halip na puro turuan, mas epektibo kung magkakaroon ng sama-samang pagkilos mula sa lahat—gobyerno, pribadong sektor, at mamamayan. Isang halimbawa nito ang ginawa ng isang tollway company na hindi lamang nakatuon sa kaligtasan ng mga motorista, kundi nakikipag-ugnayan din sa kaukulang mga ahensiya upang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha, kabilang na ang pagpapatibay ng mga tulay at rehabilitasyon ng mga daluyan ng tubig.

Ayon kay NLEX Corporation Officer-In-Charge at Metro Pacific Tollways Corporation Chief Finance Officer Luis Reñon, bahagi ng kanilang patuloy na misyon ang pagtiyak na ligtas at madadaanan ang mga expressway lalo na sa panahon ng masamang panahon.

Hindi lang ito salita—araw-araw ay may 120 tauhan na kumikilos gamit ang amphibious backhoe, boom trucks, dump trucks at iba pang kagamitan upang maagapan ang pagbaha.

May regular ding inspeksiyon upang matukoy kung saan dapat paigtingin ang clearing operations at mga imprastrakturang kailangang ayusin.

Sa kasamaang-palad, kapag may matinding pagbaha sa ilang bahagi ng kalsada, madalas na nababaling ang sisi sa pamunuan ng tollways, kahit na maraming pinagmumulan ng baha ay mula sa labas ng kanilang sakop.

Ang totoo, malaking bahagi ng problema ay nag-uugat sa tributaries at daluyan ng tubig na nasa ilalim ng pangangalaga ng mga lokal na pamahalaan.

Ilan dito ay mga ilog, imburnal, at sewage system na matagal nang hindi naaayos o nalilinis.

Noong Agosto 4, 2025, inilunsad ang isang malawakang cleanup at clearing operations sa mga lugar na may baradong waterways.

Bahagi ito ng isang mas pinatibay na kolaborasyon ng NLEX Corporation, Department of Public Works and Highways (DPWH), at iba pang ahensya upang tiyakin na malilinis at maibabalik sa maayos na kondisyon ang mga daluyan ng tubig, bilang hakbang para mabawasan ang pagbaha.

Pinasalamatan ni Reñon si DOTr Secretary Vince Dizon sa pagsulong ng proyektong ito. Aniya, ang pagtutulungan ay malinaw na patunay ng iisang layunin ng NLEX Corporation at pamahalaan—ang mapigilan ang pagbaha at mapabuti ang kaligtasan at karanasan ng mga motorista. Ang NLEX Corporation ay subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), na kaanib ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC).

Kung kaya, sa harap ng mga ganitong inisyatibo, dapat ding maging mas mapanuri at mas mapanagot ang mga kinauukulan.

Malinaw sa lahat na taon-taon ay may pondong nakalaan para sa flood control programs, ngunit kadalasan ay nauuwi lang ito sa mga seremonya at “photo ops.”

Kaya panahon na para ang mga proyektong ito ay maging konkretong aksyon, hindi ilusyon.

16

Related posts

Leave a Comment