DINISPATSA ng defending champion San Juan ang Binangonan, 86-74, habang pinataob ng Palayan City ang Parañaque, 74-72, sa pares ng sudden death matches upang plantsahin ang titular showdown sa Community Basketball Association Pilipinas Executive Cup sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Sumakay ang San Juan sa mainit na mga kamay nina Arvin Gamboa at Justine Serrano upang biguin ang Binangonan na makatuntong sa finals sa ikalawang sunod na season sa community-based league na inorganisa ni CBA president Carlo Maceda.
Tumapos si Gamboa na mayroong 18 puntos o 9-of-12 sa shooting sa halos 30 minutong paglalaro, habang nagambag si Serrano ng 15 puntos, 8 rebounds at 3 assists para sa Go for Gold-supported Knights.
Nakakuha din ng malaking tikada ang San Juan kina Judel Fuentes, 11 puntos, 6 assists, 5 rebounds; Noah Lugo, 9 puntos, 4 rebounds 4 assists; at Ato Ular 8 puntos at 8 rebounds.
Inupakan ni Chavez ang game-high 27 points sa losing effort ng Challengers, sumadsad sa magkasunod na dalawang laro matapos ang 85-79 win laban sa San Juan sa kanilany best-of-three series.
Samantala naghabol muna ang Palayan mula sa 18-point deficit bago pinalugmok ang Parañaque para kubrahin ang kanilang unang finals berth.
Ipinako ni Renz Alcoriza ang back-to-back three-point shots kung saan ay ikinasa ng Capitals ang Hi-Flyers, 12-4, sa huling tatlong minuto para burahin ang 62-68 deficit tungo sa panalo.
Itinala ni Alcoriza ang 14 puntos sa Palayan, nakamit ang 75-94 loss sa series opener bago winalis ang dalawang sumunod na laro sa kanilang best-of-three matchup.
Dinala ni Jayboy Solis ang laban ng Parañaque na kaakibat ang 20 puntos at 10 rebounds, sinundan ni Angel Razon na nagsubi ng 18 puntos, 7 assists at 5 rebounds.
Ang Game 1 para sa best-of-three championship showdown ng San Juan at Palayan ay nakatakda ngayong alas – 6 Sabado ng gabi sa San Juan gym, habang ang Game 2 ay gahanapin sa Gapan, Nueva Ecija sa March 8, at kung sakaling magtatabla ay magkakaroon ng Game 3 sa San Juan. (DENNIS INIGO)
184 