SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pangangailangan na inspeksyunin ang maintenance ng San Juanico Bridge kada tatlong taon.
Ito’y upang matiyak na ligtas ang nasabing tulay sa mga gagamit nito.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay kasabay ng pag-inspeksyon sa Amandayehan Port sa Basey, Samar. Ito’y isang alternatibong ruta, kung saan ginagamit ng mga sasakyan na hindi pinapayagan na dumaan sa San Juanico Bridge sa gitna ng rehabilitasyon nito.
”Noong nag-inspection ang DPWH para nga sa rehabilitation, ika nila delikado na ‘tong tulay na ito, ‘di namin akalain na ganito kasama dahil siguro hindi namin malaman, hindi ginawa nang mabuti ang maintenance ng tulay. Dapat diyan every three years, binabalik-balikan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag.
”Tinatanong ko sa mga local, sa ating mga kababayan, kung talagang nagagawa ba noon ‘yung every three years, mukhang hindi. Kaya nagkaganito, kaya ang inabot namin talagang sira-sira na,” dagdag na wika nito.
Itinayo noong 1969 at nakumpleto noong 1973, ang San Juanico Bridge ay ang ‘third longest bridge’ sumasaklaw ng bahagi ng katawan ng tubig-dagat sa Pilipinas, kumokonekta sa isla ng Samar at Leyte.
Ito ay proyekto ng namayapa at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa gitna ng rehabilitasyon ng tulay, sinabi ni Pangulong Marcos na magpapataw ang gobyerno ng mga hakbang para masiguro na ang daloy ng mga kalakal ay mananatiling tuloy-tuloy at walang balakid.
”Baka ‘yung traffic sa San Juanico mapalitan natin ‘yung sistema para mas mabilis. Nakausap namin ‘yung isang driver ng truck, ang reklamo naman nila ang dala nila gulay eh nagaantay sila dito tatlo, apat na araw… eh siyempre hindi naman refrigerated van ‘yan kaya wala nasisira ‘yung kanilang produkto,” ayon kay Pangulong Marcos.
“‘Kaya gagawa kami ng sistema para mauna ‘yung perishable goods,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Public Works Secretary Manuel Bonoan na ang kasalukuyang load limits ng San Juanico Bridge sa gitna ng rehabilitasyon nito ay maaaring tumaas sa nalalapit na buwan.
“The increase in the load limits could be implemented in the last quarter of this year,” ang sinabi ni Bonoan.
(CHRISTIAN DALE)
