MARAMI akong nababasang mga komento ng mga Filipino pagkatapos ideklara na nanalo sina Joseph “Joe” Biden at Kamala Harris sa katatapos na presidential election sa Amerika.
May nakikipagsaya sa mga supporters at bumoto kay Biden at mayroon din namang nalulungkot, kahit bihira lang dahil sa pagkatalo ng bilyonaryong si Donald Trump sa dapat sana ay kanyang ikalawang termino.
Pero wala akong nabasang komento ukol sa pagiging bloodless ng eleksyon sa Amerika hindi tulad dito sa Pilipinas na kapag may election dumadanak ang dugo sa mga malalayong lalawigan.
General ang eleksyon sa Amerika kaya hindi lamang ang mamumuno sa White House ang ihinalal ng mga Amerikano kundi mga local officials tulad ng Congressman.
Nagkaroon lang ng siraan. Talagang literal na siraan pero kahit isang patak ng dugo ay hindi dumanak sa katatapos na halalan. Walang nagbuwis ng buhay ng suporters ng mga kandidato.
Dito ako humahanga sa kanila at nalulungkot naman para sa ating Inang Bayan dahil tuwing halalan ay mayroon at mayroong mga patayan sa pagitan ng mga supporters ng mga kandidato.
Bihira lang naman na mga kandidato ang napapatay (pero mayroon din) kapag panahon ng eleksyon sa ating bansa dahil ang karaniwang nagpapatayan o pinapatay ay ang supporters ng mga kandidato.
Kahit sa eleksyon ng mga barangay officials lang ay dumadanak ang dugo lalo na sa mga malalayong lalawigan kaya kahit barangay chairman ay sangkatutak ang bodyguard kapag panahon ng halalan.
Nagpapatayan ang mga supporters ng kandidato. Pero wala pang nakukulong na pulitiko sa mga patayan tuwing halalan dahil walang nakakapagpatunay na sila ang nagpapatay.
Common sense lang naman yan. Kung hindi inuutos ng isang kandidato ang pagpatay ay walang patayan pero kahit kailan walang nakukulong na pulitiko kahit dumanak ang dugo.
Kung hindi man nagpapatayan, nananakot ang mga tauhan ng mga pulitiko sa mga tao para huwag iboto ang kanilang kalaban kaya marami ang hindi na bumoboto dahil baka maging mitsa pa ito ng kanilang buhay at pamilya.
Isa pa sa mga tila malabo pang mangyari sa ating bansa sa katatapos na eleksyon sa Amerika ay ang usapin sa vote buying. Masyadong malakas ang demokrasya sa Amerika kaya imposibleng hindi sisingaw ang kung may namili man ng boto.
Sa panahon natin ngayon, mukhang suntok sa buwan na wala ng bibili at magbebenta ng boto kapag panahon ng halalan at maluklok ang nararapat na maluklok.
Karamihan sa mga pulitiko ay namumuhunan ng husto para lang sila’y manalo. Kahit barangay captain lang ang tatakbuhin mo, kailangan mo ng malaking pondo kung gusto mong manalo.
Saan ginagamit ang perang ito? Siyempre sa pagbili ng boto. Bihira ang hindi bumibili ng boto at ang mga ito ay karaniwang talo pero yung namili ng boto 80 percent ang tsansa niyang manalo.
Hangga’t may nagbebenta ng boto ay hindi magbabago ang mga ating bansa. Hangga’t may bumibili ng boto para magkaroon sila ng kapangyarihan ay walang patutunguhan ang bansa natin.
175 