SANA DUMAMI PA UMATRAS SA SENATE RACE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

UMATRAS na rin pala si Agri party-list Rep. Wilbert Lee sa pagkandidato sa Senado. Bago siya, unang bumitaw sa laban si Chavit Singson na idinahilan ang kanyang kalusugan.

Umatras din si Doc Willie Ong na kapareho ni Chavit, kalusugan din ang dahilan. Ang tinaguriang Doktor ng Bayan ay mayroong sarcoma o abdominal cancer na kanya mismong inanunsyo noong isang taon.

Ito namang si Lee, aminadong kulang ang kanyang makinarya sa pangangampanya kaya hindi na rin tutuloy.

Napakarami pang tumatakbo ngayon sa Kongreso ang dapat matauhan at umatras na rin. Lalo na iyong mga wala namang gagawin kundi payabungin ang kanilang pansariling interes.

Mabalik tayo kay Lee, siya iyong nanawagan noon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pamunuan muna ang National Food Authority (NFA) habang iniimbestigahan ang kontrobersyal na paluging bentahan ng rice buffer stocks.

Sabi ng kinatawan ng agrikultura, si BBM daw ang makalulutas sa mga problema ng ahensya.

Ito ay kahit pa wala namang nangyari nang rendahan ng Pangulo ang Department of Agriculture.

Baka akala ng kongresista ay mabibitbit siya ni BBM sa ‘Alyansa’ sa pagtakbo niya sa Senado?

o0o

Tuloy tayo sa usaping may kinalaman sa agrikultura.

Nagsimula nang maglabas ng buffer stock ng bigas ang NFA sa mga lokal na pamahalaan bilang parte ng deklarasyon ng food security emergency para pababain ang presyo nito.

Nasa 67 LGUs ang unang grupo ng mga lokal na pamahalaan na nagpahayag ng intensyon na magbenta ng mas murang bigas sa kanilang mga residente. Mas mura nga, pero kwidaw sa mga nais bumili, suriing mabuti ang mga butil at baka may nakasingit na bukbok o kaya ay may amoy.

Ilang mamimili kasi ang nagreklamo dahil sa bukbok sa bigas na nabili nila sa Kadiwa stall sa isang palengke.

Pinaiimbestigahan daw ito, ayon sa DA. Dumaan daw sa pagsusuri ang mga bigas na ibinebenta sa Kadiwa. Isolated na insidente lang daw ito.

Kahit isang kaso lang ito ay may epekto ito sa tiwala ng mga tao.

Sa ibang bagay, mainam ang mag-imbak. Pero sa bigas, ang matagal na pagkaimbak ay maaaring maging sanhi ng bukbok, o pagbabago ng amoy.

Kung itutuon lang ng pamahalaan ang atensyon sa pagsasaka ay baka gumaan ang problema. Noon pa dapat, todo-suporta na sa mga magsasaka.

Heto ang apela sa mga LGU na kumuha ng NFA rice dahil bawat sakong lumalabas ay makatutulong sa pagbili ng NFA sa mga magsasaka lalo ngayong panahon ng anihan.

Kaya lang, matetengga ang mga bagong bigas dahil ibebenta muna ang mga nauna, kaya sa panahon na ang mga imbak na ang ibebenta ay luma na rin ang mga ito.

Eto pa ang isang agam-agam, kung magbebenta ang LGU ng bigas mula NFA, hindi kaya iba ang interpretasyon? Kasi naman, nasanay na ang ilan na ang NFA rice ay ayuda lang ng LGU sa mga residente nila. Lalo ngayong palapit na ang halalan, aba magandang taktika ang libreng bigas mula sa mga politiko.

Ba’t pa bibili? Antay na lang ng libre, kahit pumila at mag-abang sa mga barangay.

 

9

Related posts

Leave a Comment