PARANG tubig sa Pasig river na malabo dahil sa burak ang pag-asa ng economic charter change (Cha-Cha) na isinusulong sa Kamara hangga’t hindi pumapayag ang mga senador na sumayaw nito ngayong panahon ng pandemya.
Hangga’t wala ring tiwala ang publiko sa mga pulitiko lalo na ang mga Congressmen at maging sa kasalukuyang mga lider ng bansa, eh talagang kasing labo ng tubig sa mga estero sa Metro Manila ang pag-asa ng cha-cha.
Pangunahing dahilan kung bakit nagsasayaw ng cha-cha ang mga Congressmen ay para alisin ang mga restriksyon sa Saligang Batas sa pagnenegosyo ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas.
Gusto ng mga Congressmen, magkaroon ng 100 percent ownership ang mga dayuhang negosyante dahil maraming investors ang nagdadalawang isip na pumasok sa Pilipinas dahil kailangan nilang maghanap ng partner sa Pinas bago maitayo ang iniisip na negosyong itayo.
Hanggang 40% lang kasi ang pag-aari nila sa itatayong negosyo at ang 60% ay mga local partners na ang may-ari. Kahit ikaw, bakit ako magtatayo ng negosyo na 40% lang ang pag-aari ko o ideya ko ang negosyo. Yan daw ang aalisin sa saligang batas at papayagan na rin ang mga dayuhang negosyante na pumasok sa lahat ng mga industriya tulad ng edukasyon, media, kuryente, telecommunication, mining, agriculture, tubig, manufacturing at kung ano ano pa.
Ipinapangako (na naman) ng mga Congressmen na kapag naamyendahan ang mga economic provisions ay lolobo ang foreign direct investment (FDIs) sa Pilipinas at magkakaroon ng maraming trabaho. Sana nga.
Sa mga nagdaang taon lalo na noong 2018 at 2019 lumaylay ang FDIs sa Pilipinas at isinisisi ito sa mahigpit na panuntunan ng Saligang Batas. Umaabot ng lang US$5 Billion ang FDI noong 2019 na mas mababa sa US$6.6 Billion noong 2018.
Tanging ang Saligang Batas ang nakikitang dahilan bakit matumal ang pagpasok ng mga dayuhang puhunan sa ating bansa at hindi ikinokonsidera ang ibang dahilan tulad ng political environment sa Pilipinas.
Hindi rin nakikita o sadyang ayaw tingnan, ng mga Congressmen na ang isa sa mga dahilan para umasenso ang isang bansa ay industriyalisasyon o magkaroon ng sariling industry at pagpapaunlad ng sektor kung saan mayaman tayo tulad ng agrikultura.
Ang South Korea at Taiwan, hindi umasa FDIs. Wala silang FDIs. Mas tinutukan nila ang kanilang sariling industriya kaya sila asensadong asensado at isa sila sa mga industrialized country sa mundo.
Mas malaki ang bansa natin sa Korea at Taiwan. Mas mayaman tayo sa likas na yaman at mas malawak ang lupang pang-agrikultura at mas marami tayong manggagawa pero bakit sila mayaman at tayo ay mahirap?
Mayaman tayo sa mineral kaya kaliwa’t kanan ang pagmimina sa ating bansa pero ang mga minimina sa ating bansa ay ibang nasyon ang nakikinabang tulad ng China dahil ibinebenta natin imbes na tayo ang gumawa ng finished product mula sa mga raw materials na ito.
Napakalawak pa rin ang lupain sa Pilipinas na nakalaan sa agrikultura pero nag-aangkat pa rin tayo ng bigas at gulay sa ibang bansa. Bakit? Dahil pinabayaan ang sektor ng agrikultura.
Walang suporta ang national government sa mga lokal na magsasaka. Walang subsidy sa abono, seedlings at mahina pa rin ang irrigation system dahil tanging ang palayan ang sinusuplayan ng tubig.
Parang ayaw talaga ng gobyerno na magtayo ng post harvest facilities para paglagakan sana ng ani upang hindi mabulok ang ani ng mga magsasaka at mapilitang ibenta sa murang halaga at wala ring suporta sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim. Paano tayo aasenso nyan?
Ngayon kailangan daw nating magcha-cha para umasenso na tayo. Wala tayong ipinagkaiba sa isang tao na malawak ang lupain na punong puno ng raw materials pero ayaw magtanim umaasa sa tulong ng ibang tao para mabuhay imbes na kumayod.
