HIGIT isang dosenang bansa na ang naghigpit ulit sa mga biyahe mula China, na nakararanas muli ng COVID-19 surge matapos ang desisyon nitong luwagan ang virus restrictions.
Ang mga bansang USA, France, Canada, Australia, United Kingdom, Japan, South Korea, Israel, Morocco, India, Italy at Spain ay nagpapatupad ng mandatory COVID tests at ibang tuntunin para sa mga galing China.
Malinaw ang karatula: No negative test result, no entry.
Gawin din kaya ng Pilipinas ang paghihigpit? Malamang puro pahiwatig at buka ng bibig ang paiiralin, ngunit ang paghihigpit ay “saka na lang” lalo pa’t biyaheng-China si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Tiyak, may mauulit na dapat sana ay iwaglit na subalit ang indikasyon na mangyari muli ay malapit sa katotohanan.
Mas mainam na inaagapan ang posibleng mangyari kaysa gamutin ‘pag nadale.
Inilagay lamang sa heightened alert ang Pilipinas dahil sa COVID surge sa China. Itodo raw ang border control at ibalik ang face mask.
Sa isang memorandum noong Disyembre 31, ang lahat ng DOH-Centers for Health Development (DOH-CHD) ay inatasan na maghanda at dagdagan ang resources sakaling magkaroon ng posibleng pagdami ng mga pasyenteng may respiratory symptoms.
May direktiba muli ang DOH sa Bureau of Quarantine at mga kaugnay na tanggapan na paigtingin ang pag-monitor at pagpapatupad ng border protocols para sa mga papasok, kabilang ang galing China, sa lahat ng port of entry.
Ayon naman sa isang mambabatas na dating Health secretary, huwag sarhan ng pinto ang mga turistang Chinese at hindi dapat tularan ng Pilipinas ang ipinatutupad ng ibang bansa na naghihigpit sa panuntunan sa COVID kontra sa mga Chinese.
Simpatiya pa rin ba sa mga Tsino ang uunahin kesa kapakanan ng mga Pilipino? Para sa humanity o ayaw lang masaling ang damdamin ng lider ng China?
Sana nga ay huwag maulit ang nangyari, tatlong taon na ang nakararaan.
Ika nga sa lengguwaheng Pranses: DEJA VU.
